Tuesday, April 13, 2021

Pamimigay ng ayuda sa barangay sa Taguig, itinigil muna dahil sa magulong proseso

Joyce Balancio, ABS-CBN News


Ipinatigil muna ang pamamahagi ng ayuda sa Silangan Elementary School para sana sa mga residente ng Barangay Upper Bicutan sa Taguig nitong Lunes.


Ayon kay Nikki Rose Operario, ang pinuno ng city social welfare and development office, target sana nilang makapamahagi ng ayuda sa 2,000 na mga household, pero umabot lang sa higit 600 ang nabigyan nito.


Nagsimula sila ng alas-8 ng umaga, pero itinigil muna ang pamamahagi matapos magkagulo sa proseso ng pagbibigay ng ayuda.


“Mayroon po tayong beneficiaries na hindi kasama doon sa pinost namin na listahan natin, wherein nagkaroon ng gulo at may tulakan sa mga beneficiary and even po authority natin ay hindi na nila sinusunod," ani Operario.


"Magkakaron po ng reschedule upang maayos po natin ang sistema upang masunod ang proseso at lahat ng empleyado dito sa amin, kung baga pagod na rin sila kailangan maayos ang proseso," aniya.


Kabilang sa mga hindi nakakuha ng ayuda ay sina Jenny Rikafrente at Shaira Jayne Gabriel. Parehas silang matagal na pumila mula pa umaga.


“Wala man lang sila konsiderasyon tapos nagkagulo lang pauuwiin na nila. Ganoon-ganoon lang iyon? Ire-reschedule lang uli?” ani Rikafrente.


Dagdag ni Gabriel: “Nahirapan po kami kumuha ng ayuda kasi ang tagal po ng proseso. Wala pong progress, walang usad sa pila."


Humihingi naman ng pang-unawa at kooperasyon ang mga awtoridad sa mga residente ng Taguig. Aayusin muna anila ang proseso bago mag-reschedule ng pamamahagi muli ng ayuda. 


“May grievance committee kung saan sinasagot ang lahat ng katanungan nila. At kung kaya namin tulungan sa mga tinutugunan namin. Venue po kailangan i-consider din po and iyong proseso nandoon dapat ang kooperasyon ng bawat beneficiaries,” ani Operario.


Ito na ang ika-4 na araw na pamamahagi ng nasa P1,000 hanggang P4,000 ayuda para sa mga residente ng naturang barangay. 


Ayon naman kay Operario, initial roll-out pa lang ito at posibleng dagdagan din ito ng lokal na pamahalaan. 


https://news.abs-cbn.com/news/04/13/21/pamimigay-ng-ayuda-sa-barangay-sa-taguig-itinigil-muna-dahil-sa-magulong-proseso

No comments:

Post a Comment