Nababahala ang grupong OCTA Research na posibleng mag-iba ang trend ngayong niluwagan na ang coronavirus disease (COVID-19) restrictions sa National Capital Region (NCR Plus) bubble.
Ito ay sa nagpapatuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkaka-COVID-19 sa bansa ngayong modified enhanced community quarantine (MECQ).
"Sa totoo lang, we are getting very concerned na the MECQ is not working. I’m sorry, this is the first time na were saying it, pero we’re just being transparent about the data. Sinasabi naman namin noon, the ECQ was working; nagkaroon ng negative growth rate. Now, maybe the MECQ is not working,” ani OCTA Research Fellow Guido David.
Sa datos na inilabas ng OCTA Research, bumaba na sa 1.16 ang reproduction number - nangangahulungan ito na isang tao ang nahahawa at maliit na tsana ang makahawa ng dalawang tao ang isang nagka-COVID-19.
Ayon sa OCTA Research, dahil dito ay nangangahulugang epektibo ang pagpapatupad noon ng ECQ sa Kamaynilaan at sa mga karatig-probinsiya nito.
Sabi naman ng kasamahan ni David sa OCTA Research na si Butch Ong, nagpapatuloy ang pagbaba ng reproduction number sa paglipat sa MECQ.
“Hindi nasayang (ang ECQ) dahil bumaba naman talaga ang ating reproduction number. In the transition ng MECQ, we still continue to see a lowering of the reproduction number,” ani Ong.
Ipinaalala ng OCTA Research na mag-ingat pa rin kahit nakita ang pagbaba ng reproduction rate nito.
“Hinihikayat ko na para ma-hit natin nag target natin magkaroon na tayo ng mindset na ECQ tayo na taasan natin ang vigilance at disiplina kasi mas maluwag at may risk na baka tumaas ng bahagya habang nasa MECQ so kailangang mas maging disiplinado tayo,” ani Ong.
Nakatakdang maglabas sa susunod na linggo ng panibagong report ang OCTA Research, kung saan umano nila makikita kung naabot na ng Metro Manila ang reproduction number na kailangan nitong makamit.
— Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News