Taon-taon masayang sinasalubong ng pamilya ni Josefina Argoso ang Pasko at Bagong Taon.
Pero malaking pagbabago ang mangyayaring pagdiriwang ngayong 2020 hindi lang sa kanilang tahanan kundi sa marami pang mga pamilya.
Ipinagbawal kasi ng gobyerno ang mass gathering at reunion sa pangambang kumalat ang COVID-19.
"Kung 'yon ang talagang nararapat na gawin ngayong pandemic, respetuhin natin kung ano ang kautusan... para maging ligtas tayong lahat at bumalik na tayo sa normal," ani Argoso.
Naniniwala naman si Cloud Espino na posible pa ring maging masaya ang kapaskuhan.
"Isang bote kahit sa loob ng bahay muna," ani Espino.
Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), pinakiusapan nila ang mga lokal na pamahalaan na mag-issue ng executive order kaugnay sa pagmamatyag sa mga lalabag sa mass gathering.
"Kung may magre-report na nagkakaroon ng mass gathering sa mga bahay-bahay, baka puntahan kayo ng mga tanod or kapulisan para i-disassemble, or worse case, maari po kayong (ma-)penalize," ani DILG Undersecretary Epimaco Densing.
Pagdating aniya sa pagsunod sa health standards, malaking porsiyento naman ng mga Pilipino ang sumusunod, pero balewala ito kung itutuloy ang mga pagtitipon.
Ayon kay Densing, maraming hakbang para malaman kung may mga pumupuslit para makipagtipon.
"Bibigay ng directive sa mga LGU at PNP (Philippine National Police) na mag-set aside ng hotline where [the] public can report 'yung mga nagma-mass gathering, mga nagvi-videoke para mapuntahan ng mga tanod," ani Densing.
Base sa report ng OCTA Research Group, nasa tamang numero ang COVID-19 reproduction number ng bansa at positivity rate sa National Capital Region (NCR).
Pero ang ilang lalawigan gaya ng Benguet, Isabela, Bataan, Leyte, Ilocos Norte, Pangasinan, at Cagayan ang nakitaan ng mataas na bilang ng kaso kada araw.
Mataas din umano ang positivity rate sa Quezon province, Benguet, Isabela, at Cagayan.
Inaasahan ng OCTA ang muling pagtaas ng bilang ng mga kaso sa mga susunod na linggo, lalo na sa mga matataong lugar tulad ng NCR.
Ganoon din kasi umano ang nangyari sa ibang bansa, partikular sa Amerika at Canada, na tumaas ang kaso matapos ang Thanksgiving.
Panawagan ng grupo maging ng ibang eksperto na sana'y matuto ang mga Pilipino sa nangyari sa ibang bansa.
Sa tala ngayong Miyerkoles, umakyat sa 444,164 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Pero sa bilang na iyon, 26,545 ang active cases o hindi pa gumagaling.
Inirekomenda na rin ng OCTA sa gobyerno na maaairing huwag na munang payagan ang mga conference at seminar sa mga general community quarantine area. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
https://news.abs-cbn.com/news/12/09/20/lgus-hinimok-na-magmatyag-sa-mass-gathering-sa-pasko