Mahigit 30 oras mula nang matamaan at tumagas dahil sa installation work, nakompleto na ang pagkukumpuni sa nasirang tubo ng Manila Water sa EDSA Mandaluyong ngayong Martes.
Ayon sa kompanya, bandang alas-2:45 ng madaling-araw natapos palitan ang nag-leak na tubo at naayos ang main line ng tubig sa bahagi ng EDSA-Boni Avenue northbound.
Sinimulan agad ang pagpapadaloy ng tubig sa tubo para makabalik ang supply ng tubig sa mga naapektuhang customer sa Mandaluyong, Pasig, San Juan, at Quezon City.
Sinabi ng Manila Water na inaasahan nilang babalik ang supply sa mga lugar hanggang alas-6 ng umaga.
Nagtuloy-tuloy hanggang madaling-araw ang pagkumpuni sa linya ng tubig na unang inasahang matatapos pa Lunes ng hapon.
Pero ayon sa Manila Water, naging mahirap ang mga kondisyon sa lugar bukod sa matinding pagkasira sa water pipe.
Halos isang araw bumulwak ang tubig sa tubo matapos matamaan Linggo ng gabi ng backhoe ng contractor ng Metro Manila Development Authority na naglalatag ng optical fiber para sa mga ikakabit na CCTV.
Sinabi ng MMDA na hindi alam ng contractor na lumihis ang linya ng tubig sa hinuhukayan nila, pero giit ng Manila Water nag-abiso sila kung saan dapat humukay.
Ayon kay Manila Water spokesperson Jeric Sevilla, pagbabayarin nila ng danyos ang contractor na Awin Technology para sa nasirang linya.
Nagdulot din ng matinding traffic noong rush hour ang aberya.
Umabot sa 100,000 bahay sa 35 barangay ang nawalan ng suplay ng tubig dahil sa nasirang tubo.
Bukod sa mga apektadong lugar, pinadalhan ng tanker ng Manila Water ang mga ospital sa lugar tulad ng VRP Medical Center sa Mandaluyong habang inaayos ang linya.
Paalala ng kompanya, pagbalik ng supply ng tubig ay maghintay ng ilang minuto bago gamitin ang tubig na lalabas sa gripo.
Tiniyak din nila sa mga apektadong konsyumer na hindi ipapasa sa kanila ang halaga ng natapong tubig na tinagurian nang “non-revenue water” o systems loss. #
https://news.abs-cbn.com/news/04/13/21/pagkumpuni-sa-nasirang-tubo-ng-manila-water-sa-edsa-tapos-na
No comments:
Post a Comment