Wheng Hidalgo, ABS-CBN News
Muling nagkasabay sa isang operasyon kontra droga ang mga operatiba ng Quezon City Police District at Philippine Drug Enforcement Agency sa isang mall sa Fairview, Quezon City Biyernes ng hapon.
Magsasagawa sana ng drug buy bust operation ang mga tauhan ng QCPD Station 4 Drug Enforcement Unit sa parking lot ng isang mall sa Fairview, Quezon City kaninang alas-dos ng hapon pero naroon din pala ang mga operatiba ng PDEA Region 4A.
Ayon kay QCPD Director BGen. Antonio Yarra, habang naghihintay ang mga pulis sa kanilang target, napagdudahan ng PDEA agents ang kanilang kilos kaya sila ay sinita. Nagpakilalang taga-PDEA ang mga ahente at dinisarmahan ang mga pulis na nagpakilala ring mga operatiba ng QCPD Station 4.
Dumating sa lugar ang hepe ng Station 4 na si Police Lt.Col. Richard Ang at kinausap naman ni Yarra ang regional director ng PDEA Region 4A. Matapos ang berepikasyon, nag-usap ang dalawang grupo at naghiwalay nang payapa.
Ayon pa kay Yarra, naging maingat ang mga operatiba dahil sa leksyon ng Commonwealth shootout. Nilinaw din ni Yarra na parehong may pre-operations coordination ang dalawang grupo, hindi lang talaga naka-specify dito ang eksaktong lugar para hindi masunog ang operasyon. At dahil sa nangyari, na-abort ang anti-drug operation.
"They were immediately checked by the group of armed med introducing themselves as PDEA so when they heard PDEA, they also introduced themselves as policemen. So learning from the experience nung last incident involving PDEA and QCPD, so naging cautious ang ating mga operatives and then they submitted themselves to the PDEA," aniya.
Samantala, hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang PDEA dahil naghihintay pa sila ng official report mula sa commander ng Region 4A.
Matatandaang nagkasagupa ang mga pulis at PDEA sa isang operasyon sa Commonwealth Avenue sa Quezon City noong Pebrero kung saan dalawang pulis ang namatay.