Isa ang emergency unit ng ABS-CBN sa mga rumesponde sa mga kapamilyang nasalanta ng matinding pagbaha nitong nakaraang bagyong Ulysses sa Marikina City at bayan ng Rodriguez sa Rizal.
Ayon kay Leo Bungubung, head ng ABS-CBN Corporate Security and Safety Division, nag-deploy sila noong Nobyembre 12, kasagsagan ng bagyo, ng tig-isang rescue boat sa Barangay Malanday sa Marikina at sa bayan ng Rodriguez.
“In total, nakapagligtas po tayo ng 17 kapamilya natin at limang households po ang ating napuntahan, parehas po sa Marikina at Rizal,” sabi ni Bungubung sa panayam sa TeleRadyo ngayong Miyerkoles.
Pinasok ng rescue boats ang mga kalsada na mataas na ang tubig-baha, at karamihan sa kanilang na-rescue ay mga kabataan.
“Sa isang pamilyang ni-rescue natin, may 8 tao. Lima doon, kabataan, edad 12 pababa. Tatlo lang adults. Nasa bubong na po yung ibang kapamilya natin. Yung iba, nasa second floor na po,” sabi niya.
Nabuo ang emergency management unit ng kumpanya taong 2014 at pinalawig ang kapasidad para rumesponde sa medical at ambulance transportation.
“Meron tayong fire rescue rin po, at ang recent na dinevelop namin ay yung urban response rescue natin para maka-responde sa mga kalamidad, natural disasters, earthquake at ito pong mga water search and rescue,” sabi niya.
From Quinta, Rolly, Siony, Tonyo, to Ulysses - the same areas continue to be battered by typhoons, one after another....
Posted by ABS - CBN Foundation on Wednesday, November 11, 2020
Nitong nakaraang linggo, ipinadala rin ang fire truck ng ABS-CBN sa Provident Village sa Marikina, sa pakikipag-ugnayan na rin sa Marikina Rescue at Bureau of Fire Protection.
“Sa dalawang araw po na yun—Sabado, Linggo, nakapaglinis po tayo ng 5 kabahayan at yun pong mangilan-ngilang kalsada sa Provident Village,” sabi niya.
Ang mga rumeresponde ay dumaan sa training mula basic first aid, high-angle rescue, fire fighting, survival training, hanggang sa water search and rescue.
Payo niya sa publiko na magkaroon ng kaalaman tungkol sa mga risk at hazard sa kanilang mga lugar.
“Alamin kung anong pwedeng gawing natural barriers and preparedness. Paghandaan natin. Mag-drill tayo. Isipin safety ng bawat isa,” sabi niya.
Bukod sa emergency rescue operations, patuloy pa ring nagdadala ng relief goods at pagkain ang Sagip Kapamilya ng ABS-CBN Foundation sa mga lugar na nasalanta ng mga nagdaang bagyo.