Sa high risk areas muna ipapamahagi ang mga bakuna ng Sinovac na kararating lang sa bansa ngayong Huwebes, ayon sa Department of Health (DOH).
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, uunahing ipamahagi ang bakuna sa "NCR Plus" bubble, at nalalabing bahagi ng Central Luzon at Calabarzon.
May mga matatanggap naman aniyang suplay ng mga bakuna ang iba pang LGU sa mga susunod na araw.
"Meron ho tayong bias ngayon sa ating mga lugar na matataas ang kaso dahil gusto ho natin maprotektahan maigi ang vulnerable sector dito sa mga lugar na ito. Hindi kailangan mag-alala ng ating ibang regions kasi yun pong allocations naman meron din po kayo,” ani Vergeire.
Ayon kay Vergeire, posibleng sa Linggo, Abril 25 sisimulan ang pamamahagi nito; habang may iba pang bakunang paparating gaya ng Sputnik V na galing sa Gamaleya Institute ng Russia.
"May kararating lang na Sinovac noong isang araw at may parating pa rin po tayo sa isang linggo na Sinovac vaccines pa rin.
Ang distribution po ah yung allocation nagawa na po... posibleng bukas mag-uumpisa tayo mag-distribute," ani Vergeire.
Pero sinabi rin ni Vergeire na sa mga lugar na lang na kayang sundin ang storage requirements ibibigay ang Sputnik V vaccines.
Aabot sa -18 degrees Celsius ang storage requirement ng Sputnik V, mas mababa kung ikukumpara sa Sinovac at AstraZeneca vaccines na may storage requirement na 2 hanggang 8 degrees Celsius.
Ayon sa mga eksperto, kailangang mabakunahan ang nasa 70 porsiyento ng populasyon para maabot ang herd immunity.
Kaya naman nagpaalala sa publiko si Philippine Foundation for Vaccination Executive Director Dr. Lulu Bravo na magpabakuna na.
"Kapag dumating ang bakuna po magpabakuna po tayo sapagkat yan ay dumaan naman sa ekspertong pag-iimbestiga. Hindi po natin pababayaan ang ating mamayan na magkaroon ng harm. Ang bakuna ay hindi dapat makasama yan po ay upang makapagligtas ng buhay," ani Bravo.
— Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News