Saturday, January 23, 2021

NTF spox: Paglipat ng Metro Manila sa MGCQ simula Pebrero hindi nararapat

 "Hindi nararapat" na ilipat na ang Metro Manila sa mas maluwag na quarantine restrictions pagdating ng Pebrero, ayon sa tagapagsalita ng National Task Force against coronavirus disease (COVID-19).


Nabanggit ito ilang araw bago inaasahang magbaba ng bagong utos ang gobyerno patungkol sa quarantine restrictions. Ito'y sa gitna rin ng pagdami ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa matapos ang Kapaskuhan, kabilang ang mga kaso ng mas nakahahawang variant ng sakit.


Ayon kay NTF Spokesperson Restituto Padilla, tingin niya na dapat manatili pa ang kasalukuyang quarantine restrictions hanggang sa gumanda ang datos ng mga kaso sa Metro Manila, na episentro ng COVID-19 sa Pilipinas.


"Personally nakikita natin at my end na ang mga datos ay hindi nararapat. So siguro mananatili pa rin ang ating quarantine procedures natin hanggang makita natin na ang datos na ito ay magi-improve," ani Padilla sa Teleradyo nitong Sabado.


Ang MGCQ ang pinakamaluwag sa apat na quarantine restrictions na inilatag ng gobyerno para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.


Sa pinakahuling tala ng Department of Health nitong Biyernes, aabot na sa 218,697 ang naitalang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.


Pinakamarami sa national caseload ang Quezon City, na may 41,054 kaso, at ang siyudad ng Maynila, na may 27,536 na kaso. Sumunod dito ang Cavite, Laguna, at Rizal.


Kamakailan ay niluwagan din ang age restrictions sa mga lugar na nasa ilalim ng modified GCQ para payagang lumabas ang mga batang may edad 10 pataas. Kasabay niyan, hinikayat ng gobyerno ang mga lugar na naka-GCQ na luwagan na rin ang kanilang age restrictions bilang tulong sa ekonomiya.


Dati na ring napansin ng OCTA Research Group na may pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila - bagay na itinuturo sa nagdaang holiday season.


"May mga lugar po kasi na medyo naghihigpit pa. Medyo gumaganda na po kondisyon at gusto nilang payagan dahil hindi naman ganoon kalakihan ang pagkalat ng virus. Nasa kanila pong poder kung papayagan ito," ani Padilla.


https://news.abs-cbn.com/news/01/23/21/ntf-spox-paglipat-ng-metro-manila-sa-mgcq-simula-pebrero-hindi-nararapat