Nagsagawa ng COVID-19 testing sa bayan ng Rodriguez, Rizal nitong Miyerkoles, kung saan kasama sa mga na-test ang mga evacuee na nasalanta ng Bagyong Ulysses.
Nasa 1,000 residente ng bayan, kasama ang evacuees, ang sumailalim sa swab test.
Mula nang manalasa ang bagyo, hindi na nasusunod ang physical distancing sa masikip na evacuation centers, tulad ng Kasiglahan Village Senior High School.
Wala na ring face mask ang mga residenteng tumutuloy sa evacuation center, na maaari sanang magsilbing pag-iingat laban sa nakahahawang sakit.
"Expanded testing ito," paliwanag ni Dr. Carmela Javier, municipal health officer.
"Dito, ang target ay vulnerable groups and ang evacuees natin sa different evacuation areas ay papupuntahin namin dito," aniya.
Panawagan para sa batang may sakit
Sa isang evacuation center tumutuloy ang pamilya ng 4 na taong gulang na si Mary Gelle Peregrino, na nagka-tuberculous, meningitis at ngayo'y may cerebral palsy at hydrocephalus.
LOOK: Among those still needing help in Kasiglahan Village in Rodriguez are 4-year old Mary Gelle Peregrino who had TB meningitis & is suffering from cerebral palsy and hydrocephalus according to her brother. Also needing assistance is a group of women who make pot holders. pic.twitter.com/HZ5U9eJSDa
— Adrian Ayalin (@adrianayalin) November 25, 2020
Nasa 27 pamilya ang kasama nina Peregrino sa center, na pawang mga nakatira sa Bukid Extension ng Kasigalahan Village na na-wash out ng umapaw na ilog noong kasagsagan ng bagyo.
"Nanawagan po kami upang magkaroon sana si Mary Gelle ng ano makakuha po kami ng tulong sa kaniya," ayon sa kapatid niyang si Ian Clyde.
Kasama umano sa mga kailangan ni Mary Gelle ang gamot at gatas.
Patuloy naman ang pagdating ng private donors, tulad ng isang namigay ng lugaw sa Kasiglahan Village Senior High School.
Tuwing may darating na ayuda, takbuhan pa rin ang mga taga-Kasiglahan Village para makakuha ng tulong.
Sa tala ng lokal na pamahalaan, may 2,000 pang evacuee na hindi makauwi sa kani-kanilang mga bahay.
https://news.abs-cbn.com/news/11/25/20/evacuees-sa-rodriguez-rizal-sumailalim-sa-covid-19-testing