Bawal na ang tourism activities sa dinarayong Kaybiang Tunnel sa bayan ng Ternate simula Marso 19 dahil sa napapaulat na matinding trapiko at nakakalat na basura sa lugar bunsod ng mga dumadalaw doon.
Inanunsiyo ito ni Cavite Gov. Jonvic Remulla sa kaniyang Facebook page sa gitna ng muling pagsirit ng mga kaso ng COVID-19.
Ayon kay Remulla, pagbabawalan ang mga sumusunod:
Pagparada malapit sa tunnel
Pagdaan ng mga siklista sa tunnel para sa “leisure purposes”
Pagkain, pagtambay at pagse-selfie sa may tunnel
Pagbusina sa loob ng tunnel
Ayon kay Remulla, may mga nag-uulat sa kaniya na nagiging sanhi ng trapiko sa tunnel ang mga bisikleta, motorsiklo, at iba pang nakaparadang sasakyan. Marami kasi ang humihinto sa lugar para kumuha ng retrato.
“Buong magdamag ay libo-libong bisikleta, motorsiklo, at sasakyan ang nakaparada, kumakain, nagliliwaliw at lahat ay tumitigil para mag-selfie o mag-picture-taking doon,” ani Remulla.
"Ang resulta? Nonstop traffic at bottleneck mula entrance at exit ng tunnel. Kaya simula sa Biyernes ay strictly NO TOURISM ZONE na ang Kaybiang Tunnel," aniya.
Dagdag pa ni Remulla: “Hindi ko naman kagustuhan ang basagan ng trip. Ngunit responsibilidad ko din na siguraduhin na maayos ang counterflow ng traffic at maintenance ng law and order sa ating mga lansangan.”
Dahil din dito ay maglalagay ng police checkpoints sa Tanza, Naic, Maragondon, at Ternate.
— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
https://news.abs-cbn.com/news/03/17/21/kaybiang-tunnel-sa-cavite-no-tourism-zone-na-mula-marso-19