Wednesday, July 29, 2020

LRT Cavite extension, gugulong na sa 2021

GOOD news muna tayo. Nasa 47.7% completion na pala ang LRT1 Cavite Extension as of July ng taong ito.

Binabanggit ni DOTR Assistant Secretary Goddes Hope Libiran na noong Agosto 25, 2000 pa pala inaprubahan ng Neda Investment Coordination Committee ang proyektong ito.

Pero noong January 22, 2002 lang inaprubahan ng Neda board. Ang tanong, bakit ngayong panahon lang ni President Duterte ito nasimulan at posibleng matapos?

Kapag naging operational na ang LRT extension mula Baclaran hanggang Bacoor, maraming mga kababayan tayo ang makikinabang dito.
Tatlong administrasyon ang nagdaan at lumipas na ang dalawang dekada, ngayon lamang magkakaroon ng katuparan ang  proyektong ito na matagal nang inaasam ng mga taga-lalawigan.

Sa mga hindi nakakaalala, ito iyong proyekto na may nangakong pangulong haciendero na magpapasagasa siya sa tren kasama ng dating Transportation secretary kapag hindi natuloy ang LRT Cavite extension sa loob ng kanyang termino.

Iyon naman ang bad news, natapos ang kanilang termino, walang nailatag na kahit isang turnilyo pero walang nagpasagasa! Sabi nga, asa ka pa!

Sa ngayon, umaabot sa mahigit isang oras ang biyahe mula Baclaran hanggang Bacoor.  Kapag natuloy ang target operation ng LRT1 extension sa taong 2021, malaking ginhawa ito sa mga Caviteno.

Iyong mga taga-Cavite, mas madali ring makakarating sa Maynila at Caloocan City area dahil isang sakay lang sila ng tren. Mas mapapabilis nito ang trabaho at ang kalakalan.

Congratulations sa tropa ni DOTR Secretary Art Tugade na silang masigasig na nangunguna sa mga big ticket projects tulad ng MRT 7, LRT extension at ang kauna-unahang Metrosubway  system.

Sana lang, kapag nagsimula nang gumulong ang tren ng LRT 1 extension, huwag magpapakalat-kalat iyong dating kalihim ng DOTR na taga-Cavite baka mahagip siya sa riles tapos sasabihin niyang sinadya ng driver!

***

Speaking of Build, Build, Build, minamadali rin nila DPWH Secretary Mark Villar ang mga Skyways NLEX connector na magpapabilis ng biyahe mula Alabang hanggang Balintawak Quezon City.

Kailan lang, nabuksan na ni Sec Mark ang Skyway mula Mindanao Avenue hanggang C3 Caloocan at R10 Navotas patungong Maynila.

Kapag nanggaling ako sa SLEX, nakukuha ko ang Alabang hanggang Quirino Avenue sa Maynila ng halos 30 minutes lang gamit ang Skyway.

Bagama't may bayad, iyong ginhawa naman na makarating ka sa destinasyon ay walang kapalit na halaga.

Kung maideretso ito hanggang NLEX- Balintawak, ibig sabihin, kayang makarating ng 1 hour and 30 minutes mula Alabang hanggang Clark.

Salamat sa Build, Build, Build ng Duterte administration.

allanpunglo@gmail.com

https://journal.com.ph/editorial/opinion/lrt-cavite-extension-gugulong-na-sa-2021