Isinugod sa pagamutan ang 5 miyembro ng isang pamilya matapos masunog ang tinitirhan nilang unit sa gusali sa Barangay Tejeros, Makati City Miyerkoles.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection - National Capital Region (BFP-NCR), sumiklab ang sunog sa ground floor ng Building 2 ng Bliss housing sa H. Santos Street bago mag-ala-1:30 ng madaling-araw.
Kuwento ng kapitbahay na si Judy Penera, nakarinig sila ng pumutok sa sala ng unit ng pamilya Parrenas bago nakita ang apoy at napalikas sila.
Pero dagdag niya, hindi agad nakalabas ang nakatirang pamilya dahil naharang na ang pinto ng apoy.
Itinaas ang unang alarma at napigilan ang pagkalat ng apoy sa ibang unit pagdating ng mga bombero.
Naapula ang sunog makalipas ang isang oras.
Saka na lang nailabas nang isa-isa ang mag-asawang sina Edelberg, 32, at Charlene, 35, at ang 3 nilang anak na edad 8 (walo), 5 (lima), at 2 (dalawa).
Kuwento ni Penera, walang malay ang karamihan sa kanila at nahirapang huminga ang isa.
Ayon sa Tejeros Fire Station, dinala ang mag-anak sa Sta. Ana Hospital sa Maynila.
Sabi ng isang kamag-anak, maayos na ang lagay ng mga magulang at 2 anak na babae pero inoobserbahan pa ang bunsong lalaki.
Isa naman sa tinitingnang sanhi ng sunog ang nakitang nakasaksak na baterya ng e-bike sa sala.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng Makati City fire station.
https://news.abs-cbn.com/news/02/10/21/pamilya-ng-5-naospital-matapos-masunog-ang-tirahan-sa-makati