Limang araw na lang ang natitira sa modified enhanced community quarantine na ipinatupad ng pamahalaan sa Metro Manila at 4 na karatig-lalawigan pero nagkakaisa ang mga doktor na huwag munang magluwag ng lockdown restrictions dahil mataas pa rin ang bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19.
"The last time noong nag-ECQ (enhanced community quarantine), hindi naman siya ECQ. Hindi gaya ng ECQ like one year ago, nag-ECQ, walang katao-katao sa daanan. 'Yong nag-ECQ tayo a month ago, useless," ani Dr. Juliano Zacarias Panganiban, chair ng COVID_19 task force sa Chinese General Hospital and Medical Center.
"Mas maganda po sana kung puwedeng ma-extend nang isang linggo o dalawang linggo, 'yon po para... mas mabawasan pa po 'yong mga naka-admit dahil hanggang ngayon, puno pa rin ang aming [emergency room], puno ang [intensive care unit], marami pong hindi makapasok," sabi naman ni Dr. Jonas del Rosario, tagapagsalita ng COVID-19 referral center na Philippine General Hospital.
Noong dulo ng Marso, isinailalim sa mahigpit na ECQ ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal dahil sa pagsipa ng mga kaso ng COVID-19, na naging dahilan ng punuan ng mga ospital. Simula Abril 12, ibinaba ito sa mas maluwag na modified ECQ, na epektibo hanggang Abril 30.
Pero aminado naman ang ilang ospital na may improvement kahit papaano sa situwasyon.
"Last week, 'yong admissions namin, umaabot po ng 132, 128, 126. 'Yong census po kagabi, we have 109 admissions lang po. So medyo may improvement po. Bumaba po. Medyo nabawasan ng kaunti," ani San Lazaro Hospital Spokesperson Dr. Ferdinand de Guzman.
"Hindi na po kasing haba noong dati pero punuan po ang ospital. At least ngayon, mayroon kaming magagawa doon sa mga nasa emergency room," sabi naman ni Lung Center of the Philippines Spokesperson Dr. Norberto Francisco.
"Medyo bumababa po at sana tumuloy-tuloy," ani Del Rosario.
Ayon kay Health Undersecretary Leopoldo Vega, na siya ring treatment czar, unti-unti nang nag-stabilize ang health care utilization rate sa nakalipas na linggo.
Nasa 71 hanggang 73 porsiyento na ang rate nito mula sa dating 78 hanggang 80 porsiyento.
"'Yong sa ER ho, hindi na kasing congested as compared po noong pag-umpisa ho ng surge noong mga March," ani Vega.
Pero kailan nga ba masasabi na puwede nang magluwag?
Para kay Vega, dapat ay bumaba sa 3,000 hanggang 4,000 ang bagong kaso ng COVID-19 na naitatala kada araw.
Higit 9,000 ang daily average cases sa nakalipas na linggo pero bumaba na rin iyan mula sa dating halos 11,000, ayon sa Department of Health.
"Kaya kung talagang mapapansin natin na kung bababa pa 'yan, magiging 4,000 at 3,000, 'yon masasabi na natin na kayang-kaya ng ating health system capacity," ani Vega.
Sa taya ng ABS-CBN Data Analytics, mula 9,000, matagal-tagal pa bago maabot ang 3,000 hanggang 4,000 daily average cases.
"In August, naga-average tayo noon ng 4,500 cases daily. ‘Yon ang pinaka-peak natin noong 2020. Napababa natin ito to less than 2,000 consistently around November, December. So, it took around 3 to 4 months," ani Edson Guido, head ng ABS-CBN Data Analytics.
Para kay Guido, kailangan pa ring pagbutihin ng pamahalaan ang pagtugon sa pandemya ngayong napipintong lumampas na sa 1 milyon ang mga kaso ng COVID-19.
"Tayo lang 'yong pangalawang bansa sa Southeast Asia na nakalagpas ng 1 million, I think kailangan natin talagang i-improve pa rin ’yong ating pandemic response," aniya.
Iminungkahi naman ng OCTA Research Group na dagdagan ang testing sa bansa, sa 75,000 mula sa higit 50,000 na daily average testing ngayon.
Ito'y para madaling mahiwalay at matukoy ang may kaso ng COVID-19, kabilang ang mga asymptomatic o walang sintomas.
Ayon naman kay Vega, kasama sa mga hakbang para mapalakas ang health capacity ay ang pagdagdag ng ICU beds sa mga ospital, at pag-operationalize ng mga bagong tayong field hospital at isolation center.
-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News
https://news.abs-cbn.com/news/04/25/21/mga-doktor-di-pa-dapat-luwagan-ang-quarantine-status-sa-ncr-plus