Patay ang isang 12-anyos na lalaki matapos umanong takasan ang mga barangay tanod na sumita sa kaniya dahil sa paglabag sa quarantine protocols sa Pasay City noong Miyerkoles.
Sa CCTV footage, makikitang pumiglas ang bata at tumakbo. Doon na umano ito nadapa at nabagok ang ulo.
Dinala pa sa pagamutan ang bata, pero idineklarang dead on arrival.
"Yun bitbit ng mga tanod, 'yun hawak hawak nila ang bata, 'yung bata pumiglas, kumawala. On the way na sila sa barangay eh. Malapitan lang. Eh, tumakbo, nadapa. Tumama pala sa pavement ulo niya," ani Police Col. Cesar Paday-os, hepe ng Pasay City Police.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Ang mga residenteng may edad 18 hanggang 65 anyos lamang ang maaaring lumabas ng tahanan sa Metro Manila habang nakasailalim sa modified enhanced community quarantine, ayon sa guidelines ng IATF.
Maaaring may pananagutan ang mga magulang ng bata dahil pinabayaang makalabas ito kahit na ipinagbabawal, ayon sa pulisya.
Kasama rin sa imbestigasyon ang posibleng pananagutan ng mga tanod.
Hinihintay pa ang resulta ng autopsy. Dito umano magbabase ang pamilya ng bata kung magsasampa ng kaso.
Tumangging humarap sa ABS-CBN News ang mga tanod dahil nagbigay na umano sila ng pahayag sa mga pulis. Maging ang mga magulang ng bata ay tumangging magbigay ng pahayag sa mga oras na ito.
Nasa 34 curfew violators ang nasita ng mga awtoridad Lunes ng gabi sa lungsod. Samantala, 70 naman ang lumabag sa ordinansa hinggil sa pagsusuot ng face mask, at 22 ang hindi sumunod sa physical distancing.