Sunday, June 6, 2021

Konstruksiyon ng PNR Clark Phase 2 project sa Pampanga ipinasilip

Tuloy-tuloy na nga ang kontruksyon ng North-South Commuter Railway (NSCR) project o mas kilala bilang PNR Clark Phase 2 Project sa Pampanga.

 

Sa kasalukuyan, tinatayang 30% na ang overall progress rate nito pagkatapos makumpleto ang logging test sa bahagi ng Apalit Station at ang unang bored pile cast nito sa Sitio Sampaga sa Barangay San Vicente para masiguro ang malalim na pundasyon ng railway.


“On-going na po ang konstruksyon ng staging area ng Apalit. Tuloy-tuloy lang po ang clearing. Ang mga istayon po tuloy-tuloy lang rin po ang mga test files nila,” pahayag ni Apalit Mayor Jun Tetangco. 


Saklaw ng 54-kilometer rail line ang kahabaan ng Malolos, Bulacan hanggang Clark, Pampanga.


Inaasahan na sa oras na matapos ito, ang biyahe mula Maynila papuntang Pampanga na dati ay mahigit dalawang oras ay mahahati na lang sa isang oras.


Ang naturang proyekto ay hindi lang makapagbibigay ng mabilis at maginhawang biyahe, magbibigay rin ito ng iba’t ibang job opportunities lalo na sa mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.


“Sa staging area pa lang po ng Apalit, ito ay from Malolos to Minalin, mahigit 2,500 workers po ang maitutulong po natin sa Apalit, malaking bagay po iyon dahil ngayon pong pandemya marami po ang nawalan ng trabaho,” sabi ng alkalde.


Ang MCRP PNR CLARK Phase 2 ay bahagi ng Build, Build, Build program ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte at magsisilbing pinakaunang airport express service sa bansa. - Ulat ni Gracie Rutao


https://news.abs-cbn.com/news/06/05/21/konstruksiyon-ng-pnr-clark-phase-2-project-sa-pampanga-ipinasilip