Friday, March 12, 2021

CONNECTOR ROAD UPDATE 3-11-2021

Pagpapatupad ng curfew sa Metro Manila kasado na pero may mga di natuwa

Sa darating na Lunes ay ipatutupad na sa Metro Manila ang unified curfew na aarangkada mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga, na inaasahang makatulong sa pagkontrol ng pagkalat ng COVID-19.


Para sa ilang mga tao, makatutulong ang pagkakasundo ng Metro Manila mayors sa unified curfew para mabawasan ang kalituhan, lalo't iba-iba noon ang patakaran ng bawat lokal na pamahalaan. 


Pero ang ilan, hindi masaya, katulad ni Aling Charito na may karinderya.


Ang regular daw kasi nilang pamamalengke ay alas-3 ng madaling araw kaya kapag may curfew ay maaantala ang kanilang pamimili at pagluluto ng almusal para sa kostumer. 


"Mawawala po 'yung mga kakain ng almusal sa amin," aniya. 


Umaaray din ang mga jeep at tricycle driver dahil mababawasan daw ang kanilang kita, lalo na't lumiit ito dahil sa pandemic.


Ayon kay Antonio Gomez, tricycle driver, malamang ay wala na silang makuhang pasahero sa pila ng tricycle.


"Laking epekto sa 'min na walang kita. Sana maibalik ang dati. [Pero] wala tayong magagawa, sunod na lang tayo," aniya.


Ang jeepney driver naman na si Jessy Soledad, naghahanda na sa mas maliit na kita.


"Magiging apektado kasi konti ang pasahero... Iiksi ang oras. Sa kita namin apektado din," hinaing niya.


Giit ng hepe ng Quezon City Department of Public Safety and Order, tuloy ang pagpapatupad nila ng unified curfew pero may mga exemption naman daw.


Kabilang dito ang mga nasa graveyard shift, delivery ng essential services, at iba pang maituturing na frontliners.


Dalawang linggo lang dapat ito ipatupad ang unified curfew pero posibleng ma-extend.


Nangangamba naman ang Employers' Confederation of the Philippines (ECOP) para sa mga manggagawang aabutin ng curfew sa kalsada.


Sabi ni ECOP president Sergio Ortiz-Luis Jr., umaasa silang magbibigay ng "pass" ang mga lokal na pamahalaan para sa mga manggagawang maaapektuhan ng curfew.

    

—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/news/03/12/21/pagpapatupad-ng-curfew-sa-metro-manila-kasado-na-pero-may-mga-di-natuwa