'Uncovered'
KABI-KABILANG mahahalagang proyekto ang naramdaman natin sa unang dalawang linggo pa lamang ng Enero 2018.
Una ang groundbreaking ng Department of Transportation (DoTr) at iba pang local government officials ng Bulacan province bilang hudyat sa konstruksiyon ng Philippine National Railways (PNR) Clark project.
Ang unang bahagi ng konstruksiyong ito ay ang bagong riles at bagong train stations mula sa Tutuban, Manila hanggang Malolos, Bulacan.
Tiniyak ni DoTr Sec. Arthur Tugade na matatapos ang Manila to Clark Railway sa taong 2022 o bago matapos ang termino ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang dating dalawang oras na biyahe mula Tutuban hanggang Malolos, Bulacan (o vice versa) ay magiging 35 minuto na lamang sakaling matapos ang nasabing proyekto.
Bukod sa Manila to Clark Railway, asahan ding matatapos ang Clark City na proyekto naman ni Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President Vince Dizon na higit na magpapasigla sa ekonomiya sa bansa.
Ayon kay Senador JV Ejercito na pangunahing nagsusulong ng ‘railway system’ sa bansa bilang sagot sa malalang problema sa trapiko, mahigit sa 300,000 pasahero araw-araw ang mabebenepisyuhan sa proyektong ito.
“In the Build, Build, Build, what follows are more jobs. There will be a huge demand for carpenters, construction workers. It will create more jobs for our citizens,” sabi naman ni Senador Joel Villanueva.
Samantala, pinangunahan din ng DoTr, BCDA, Department of Public Works and Highways (DPWH), Toll Regulatory Board at ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang ‘groundbreaking’ sa South East Metro Manila Expressway Project (SEMME).
Ang unang bahagi ng SEMME ay ang 35 kilometro na Metro Manila C-6 Expressway na may anim na lane ang kalsada. Karugtong ito ng itinatayo ngayong Skyway Stage 1 sa FTI, Taguig City na maguugnay sa kalsada sa Batasan Complex sa Quezon City patungo naman sa North Luzon Expressway via Balagtas, Bulacan.
Giginhawa sa kalsadang ito ang mga pasahero mula Southern Metro Manila, Rizal province, Quezon City hanggang Bulacan province.
Inumpisahan naman ng DoTr, Metro Manila Development Authority (MMDA), katuwang ang Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) at local governments ang Tanggal Usok, Tanggal Bulok project laban sa mga pampublikong sasakyan.
Ayon kay DoTr Undersecretary Tim Orbos, hindi lamang mga bulok na sasakyan ang target ng nasabing proyekto dahil higit na pinagtutuunan nila ng pansin ngayon ang kaligtasan ng mga pasahero tulad ng pagsita sa PUVs na kalbo ang gulong, dispalinghadong break light, mausok na sasakyan at marami pang iba.
Kamakalawa ay inilunsad naman ni Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Alan Peter Cayetano ang 10-year validity ng ating mga pasaporte.
Kasabay nito ay dinagdagan na rin ni Cayetano ang 28 consular offices na nagpuproseso sa ating passports na malaking tulong lalo sa mga kababayang Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ayon kay Sec. Alan, matutuldukan na ang 600,000 ‘backlog’ sa passport applications noong nagdaang taon dahil ngayong 10 taon na ang validity ng pasaporte, mababawasan tiyak ang aplikante taun-taon na dating may limang taong validity sa pasaporte.
Malaking tulong din ang karagdagang consular offices na kayang mag-proseso ng 4,500 passport araw-araw. At ang mga ito ay nasa iba’t ibang probinsiya at lalawigan tulad ng San Nicolas, Ilocos Norte; Santiago City, Isabela; Malolos o Meycauayan cities sa Bulacan; Calamba o San Pablo cities sa Laguna; Dasmariñas City, Cavite; Antipolo City, Rizal; Oroquieta o Ozamis cities sa Misamis Occidental at Tagum City, Davao del Norte.
Bukod pa rito ang pagbubukas ng apat na “passport-on-wheels” na ipakakalat sa Metro Manila at kayang mag-proseso ng 2,500 pasaporte kada araw.
Tulad ng pagpapaigting sa mass transport system sa bansa, ang 10-year validity passport ay ilan lamang sa mga pangako noon nina Duterte at Cayetano sa nakalipas na kampanya.
Isang taon pa lang sa Malakanyang si Digong pero kahit papaano, unti-unti ay natutupad na ang kanilang pangako sa taumbayan.
Magiging tatlo na rin ang telco provider sa Pilipinas na sagot sa problema sa wifi ngayong taong 2018 at ang inaantay na lang nating pagbabago ay ang solusyon sa problema ng MRT at LRT, habang nagpapatuloy din ang giyera kontra droga at korapsiyon sa pamahalaan.