Tadtad ng saksak ang isang negosyante at bayaw niya nitong Biyernes matapos daw silang saksakin ng mga ka-transaksyon sa construction business.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD) Station 5, may construction business ang biktima na kinilalang si Raymund Matabang at sinundo raw nila ng kanyang bayaw na si Vickson Villaroman ang 2 lalaki.
Isa sa mga lalaki ay may utang daw na P2 milyon kay Matabang at papunta dapat sila sa bangko sa North Fairview para doon magdeposito ng bayad sa utang.
Pero habang nasa byahe raw sila ay biglang sinaksak ng 2 suspek si Matabang at Villaroman.
Nakababa umano ng sasakyan si Matabang at tumakbo pero hinabol sya ng mga suspek at itinuloy ang pananaksak sa kanya.
Nang dumating naman daw ang mga pulis, ayaw paawat ng isa sa mga suspek. Pati raw ang mga pulis ay inuundayan ng saksak.
Ayon naman sa isang nakakita at bumuhat sa biktima, ayaw pang tanggalin ng isang suspek ang kutsilyo na nakatusok kay Matabang kahit pa nag-warning shot at nagbabala na ang pulis.
Matapos mapalo ng yantok ang suspek, agad siyang inaresto at dinala naman ang biktima sa ospital.
Kasalukuyang ginagamot sa ospital ang mga biktima.
Ang mga suspek ay isinailalim sa medical exam at nakatakdang sampahan ng kasong frustrated murder.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga suspek.
- Ulat ni Wheng Hidalgo, ABS-CBN News