Hindi madali ang pinagdadaanan ng pamilya ni Socorro Cabaes ngayong may COVID-19 pandemic.
Nahinto sa trabaho sa pabrika ang kaniyang anak, at bukod sa araw-araw na pagkain, kailangan din ni Cabaes ng pang-maintenance na gamot.
Dahil dito pagkakasyahin nila ang P3,000 ayuda na nakuha ngayong Sabado.
"Nagkakaproblema rin kasi wala nang trabaho. Ang government, magbigay din sila ng tulong sa atin kasi hindi na nga makapagtrabaho," ani Cabaes.
Nakatanggap din ng ayuda si Joey Magtira, residente ng Quezon City, pero hindi umano ito sasapat sa pagkain at gamot niya.
"E-extend mo, paano kakain ng tao? Paano lalabas? Walang pera, walang trabaho. Puwedeng sa bahay lang eh, pero asan ang pera?” ani Magtira.
Sa patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa, kinakabahan din sina Jovelyn Bautista at John Robert San Pedro dahil baka mahawa sila at ang mga kaanak ng COVID-19.
Kahit parehong naka-work from home, lumalabas pa rin sila paminsan-minsan para mamili ng mga pangangailangan.
Punuan na ang mga ospital at karamihan sa mga isolation center, kaya ang tanong nila: saan sila pupunta kapag nagkaroon ng sakit?
"'Yun ang kinakatakot namin, di namin alam kung magagamot ba kami o hindi. Mahirap magtiwala ngayon sa gobyerno, sa totoo lang," ani Bautista.
"Sa mga nasa tent, paano ka gagaling kung ang kasama mo sa isang lugar ay COVID patients din. Mahirap ang sitwasyon natin," ani San Pedro.
Sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi pa ramdam sa ngayon ang epekto ng ipinapatupad na enhanced community quarantine sa "NCR Plus" bubble.
"Ang COVID-19 has an incubation period na 14 days. So yung epekto ng mga ginagawa natin, hindi pa natin nakikita sa mga kasong ito. Katulad ng ginawa natin noong July at August na two weeks na ECQ, 10 days after, tsaka natin nakitang bumaba ang kaso, and about 3-4 weeks after, tsaka na-decongest ang mga ospital," ani Vergeire.
Inimungkahi naman ng OCTA Research Group na palawigin pa nang isa pang linggo ang ECQ. Ayon sa grupo, bumaba na sa 1.23 ang reproduction number sa NCR o ang bilang ng mga taong nahahawa ng isang positibong pasyente.
Gayunman, mataas pa rin ang hospital utilization, positivity rate, at mga kaso ng COVID-19.
"The best in terms of public health and hospitals ang primary consideration natin, ang recommendation natin is i-extend ang ECQ para mapababa natin ang reproduction number to less than 1. Kung hindi naman kakayanin, ang middle ground would be an MECQ, mas gradual na easing siya," ani OCTA Research Fellow Guido David.
Sang-ayon dito si Department of the Interior and Local Government officer in charge Bernardo Florece.
"So probably, another week would be enough, pero at the end of the day, ang nagdedebate diyan, members ng IATF at inaaral talaga kung ano ang rekomendasyon, babase pa rin tayo sa data available," ani Florece.
Magtatagal hanggang Abril 11 sa ngayon ang ECQ sa NCR Plus. Pinag-aaralan pa ng pandemic task force kung ano ang magiging quarantine classifications.
-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News