Saturday, May 1, 2021

Ina ng Maginhawa community pantry organizer, di maiwasang mag-alala sa anak

Naging maugong na kakambal ng community pantry ang pangalan ni Ana Patricia Non, ang nag-umpisa ng inisyatibong nagbibigay ng libreng pagkain sa mga nangangailangan ngayong panahon ng pandemic. 


Ang naturang inisyatibo ay umusbong na rin sa maraming lugar hindi lang sa kalakhang Maynila.


Para sa ina ni Non na si Zena Bernardo, habang proud sa kanyang anak ay hindi nito maaalis ang pag-aalala, lalo na ng lumutang ang isyung red tagging laban dito. 

 

“Nag-post ako last 2 days ago na sabi ko please allow me a moment of weakness. Normal lang naman ito and I am really worried. But then mas worried si Patricia, and mas worried kami doon sa iba,” ayon kay Bernardo.


Kuwento ni Bernardo sa TeleRadyo na hindi nila inakalang magba-viral ang simpleng community pantry ng anak na magiging inspirasyon din para sa iba na magtayo ng parehong inisyatibo sa kanila-kanilang lugar.


“Kinikilabutan nga ako nung nakita ko 'yung sa East Timor and we know kung gaano kahirap ang situation sa East Timor and then Myanmar and I’ve also seen some in Thailand,” sabi ni Bernardo. 


Pakiusap naman niya sa anak na magbigay ng panahon para tutukan din ang sarili.


“Patreng, I know you are very, very tired. I know you are absorbing a lot of bad energies and good energies, as well. I know you feel that you need to help everyone. Patreng, there’s only so much that you can do and you are doing so much. Please, be kind din to yourself na hindi mo kaya lahat. Andito naman kaming lahat. It’s ok to take a pause, people will understand. Mahal na mahal ka namin and we're so proud of you,” mensahe ni Bernardo sa anak.


Ayon kay Bernardo, higit 1,000 na ang community pantries na nakatayo sa ilang mga lugar sa Pilipinas.


“Sa lahat po ng pumipila we hear you po. Naririnig namin kayo. Naiintindihan namin 'yung sitwasyon,” sabi niya.


Hindi naging madali ang pinagdanaan ng anak sa pagtatayo ng community pantry na layon lamang makatulong sa mga taong apektado ng pandemya lalo na’t naging biktima siya at mga kasama ng red tagging.


Pero sa kabila nito, tiniyak niya na patuloy silang makikipagtulungan sa gobyerno, sa local government unit, at civil society organizations sa pagtugon sa pandemya.


“We are part of the solution. We are not part of the problem,” sabi ni Bernardo.


https://news.abs-cbn.com/video/news/05/01/21/ina-ng-maginhawa-community-pantry-organizer-di-maiwasang-mag-alala-sa-anak

No comments:

Post a Comment