Saturday, May 1, 2021

Handog ng Manila Police sa mga tsuper: Drive-thru community pantry

Nagtayo ng drive-thru community pantry ang Manila Police District Station 4 sa Sampaloc para sa mga tsuper bilang tulong at pasasalamat ngayong Labor Day. 


Ayon kay Police Capt. Philipp Ines, Administrative officer ng Sampaloc Police Station, target na beneficiary nila ang mga jeepney driver, taxi driver at tricycle driver, at lahat ng dumaan ay nabigyan ng libreng almusal at ayudang food packs. 


May mga driver rin na pumila at hindi na muna dinala ang kanilang sasakyan, pero pasok pa rin sila sa ayuda. 


"Meron po silang sopas, itlog, tinapay at bottled water at kasama na rin po ang aming food packs: bigas, noodles at canned goods," ayon kay Ines. 


Dagdag niya, ito'y "tanda ng pagsaludo sa mga uring manggagawa na nakalinya dito sa transportasyon kung saan nakita natin ang ambag nila sa lipunan. Ito'y tanda ng aming pasasalamat."


Bukod sa ayuda, nagpa-raffle rin sa mga tsuper at ang premyo ay katumbas ng kanilang boundary sa isang araw. Kaya marami ang natuwa dahil malaking bagay na anila ang mga ibinigay sa kanila. 


"Malaking tulong din po kasi kahit papaano nadagdagan kita namin. Sinasagot nila ang boundary at konting bigas," ayon sa jeepney driver na si Randy Escala ng grupong Fejodap.


Sabi ni Escala, mahirap ang kalagayan nilang mga tsuper ngayon dahil hindi naman sila nakakapamasada araw-araw.

 

"Alternate po 'yung biyahe namin tapos 50% na laman lang dahil sa social distancing. Talagang kulang na kulang sa pangangailangan namin," sabi niya. 


Para naman kay Daisy Torreda ng grupo ng mga tricycle driver at operator na Amatoda, masaya sila at napansin rin sila. 


"Sana po tuloy-tuloy pa rin po yung pagtulong nila sa mga ganitong bagay lalo na sa panahon ngayon ay least mabawasan 'yung hirap sa pamamasada," sabi ni Torreda.


https://news.abs-cbn.com/video/news/05/01/21/handog-ng-manila-police-sa-mga-tsuper-drive-thru-community-pantry

No comments:

Post a Comment