Monday, April 12, 2021

Clearing works sa itatayong ‘airport train’ ng Pinas, sinimulan

MALOLOS CITY, Philippines — Pinasimulan na ng Philippine National Railways (PNR) ang clearing works para sa eksaktong pagtatayuan ng bagong istasyon ng tinaguriang kauna-unahang magi­ging “airport train” ng Pilipinas sa Brgy. Iba O’ Este, Calumpit, Bulacan na mag-uugnay sa Clark International Airport sa Pampanga.


Ayon kay Asec. Goddes Hope Libiran ng Department of Transportation (DOTr), ang clearing works ay bahagi ng pre-construction activities bilang paghahanda sa aktuwal na pagtatayo ng Phase 2 ng North-South Commuter Railway (NSCR) Project. Tinata­wag din itong Malolos-Clark Railway Project na bubuhay sa dating ruta ng riles ng PNR mula Ma­lolos.


Ang itatayong tat­long palapag na Calum­pit station ay sakop ng Con­tract Package N-01 na maglalatag ng riles ng tren mula Malolos­ hanggang sa Apalit, Pam­­panga. Gagawin ito ng kontratista na joint venture ng Korean companies na Hyundai Engineering & Construction Corp. Ltd., Dong-Ah Geo­­logical Engineers Corp. Ltd. at Pilipinong kompanya na Megawide Construction Corporation.


Nagkakahalaga ang Contract Package N-01 ng P28.3-bilyon na bahagi ng kabuuang P286-bil­yong pahiram na pondo ng Asian Development Bank (ADB). May hiwalay pang P201-bilyong Official Development Assistance (ODA) ang Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa pag-as­semble ng mga bagon ng tren para sa NSCR Phase 2. Isa ang proyektong ito sa mga bilateral agreements na nilagdaan bilang resulta ng mga opisyal na pagbisita ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Japan.


Tinagurian na kauna-unahang “airport train” ng Pilipinas ang NSCR Phase 2 dahil aabot ang riles at istasyon sa mismong Clark International Airport na may 53 kilometro mula sa Malolos.


Kapag natapos ang proyekto sa 2023, ikaka­bit ito sa riles ng NSCR Phase 1 sa Malolos. Mula rito, aabot hanggang sa Tutuban sa Maynila ang biyahe ng tren.


Ayon kay Calumpit Mayor Jessie De Jesus, ang pagkakalipat ng lokas­yon ng Calumpit station mula sa Brgy. Ba­lungao ay inaasahang maghahatid ng mas masiglang komersiyo sa katimugang bahagi ng bayan.


Target na simulan ang aktuwal na konstruksyon ng airport train sa kalagitnaan ng 2021 at maa­aring buksan ang partial operation nito sa 2023.


https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/probinsiya/2021/04/12/2090488/clearing-works-sa-itatayong-airport-train-ng-pinas-sinimulan

No comments:

Post a Comment