May 60 pamilya ang apektado nang masunog ang 30 bahay sa Brgy. Tatalon, Quezon City nitong Sabado ng hapon.
Pasado alas-tres ng hapon nang sumiklab ang sunog sa sa Cluster 5, Kaliraya Street sa Brgy. Tatalon.
Ayon kay Sr. Insp. Karl Aerole Rojales ng Bureau of Fire Protection (BFP)-QC, nagmula ang sunog sa bahay ni Florinda Paiste kung saan unang may naamoy lang na tila nasusunog na kable ng kuryente. Nang patayin daw nila ang master switch ay bigla na lang may pumutok saka may umapoy.
"Nakita ko usok pa lang tapos tumakbo na ako nakita ko may apoy na. Medyo malakas na sya kasi yung usok iba na, itim na," ani Fidel Fajardo, asa sa mga residente.
Agad nagtakbuhan palabas ng bahay ang mga residente at hindi na nakapagsalba ng gamit. Mabilis kumalat ang apoy dahil malakas umano ang hangin. Dikit-dikit din ang mga bahay dito na karamihan ay gawa sa light materials.
"Bigla kaming umakyat sa taas kasi narinig namin may nagsabing may sunog. Tumakbo po pababa tapos naghakot po kami," sabi ni Marvin Tanales na muntik masama sa mga nasunugan.
Umabot sa third alarm ang sunog pero bandang 4:11 ng hapon idineklarang "fire out" ang sunog.
Pansamantalang mananatili sa Light House Baptist Church sa Brgy Tatalon ang mga apektadong pamilya.
Tinatayang aabot sa higit P450,000 ang halaga ng mga nasunog na ari-arian. Wala naman nasaktan o namatay sa insidente.
https://news.abs-cbn.com/news/04/10/21/30-bahay-nasunog-sa-tatalon-quezon-city
No comments:
Post a Comment