Umarangkada na nitong Biyernes ang pamamahagi ng cash assistance para sa 124,435 residente ng Las Piñas na kasama sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa "NCR Plus" bubble.
Inaasahang matataggap nila ito hanggang sa katapusan ng buwan, ayon sa mga awtoridad. Pero nasa 10,000 katao lang ang pinapila sa mga distribution centers sa 20 barangay sa lungsod noong Biyernes.
Nasa 500 katao lamang ang bibigyan ng ayuda kada barangay, kada araw para daw maiwasan ang pagdagsa ng mga tao, ayon sa lokal na pamahalaan ng siyudad.
Inaalam muna kung nasa listahan ang residente ng makatatanggap ng ayuda bago papasukin sa paaralan. Inuuna ang mga senior citizens at persons with disabilities (PWD).
Maaga namang pumila sa Almanza Elementary School ang ilang mga residente sa Barangay Almanza Uno para makatanggap ng financial assistance.
Kasama na rito ang 77-anyos na si Nelia Mendoza, na pumila sa labas ng Almanza Elementary School sa Bgy. Almanza Uno, Las Piñas alas-6 pa lang ng umaga noong Biyernes.
Dahil senior citizen at PWD, pinapasok agad si Mendoza sa eskuwelahan.
Ngunit sa huli, hinatid siya pauwi nang walang dalang pera.
Hindi pala kasi siya kasama sa batch ng mga makatatanggap ng ayuda sa araw na iyon.
Sabi ng barangay, susunduin na lang siya sa susunod.
Malaking tulong sana kay Mendoza ang matatanggap na pera.
“Wala akong kabuhayan, walang sumusuporta po. Pensyon lang ang inaasahan ko,” aniya.
“Hirap na hirap ako ngayon lalong nag-iisa ako sa kubo ko, kailangan ko ang tulong.”
Inilathala sa social media accounts ng Las Piñas City social welfare department (CSWD) at ng mga barangay ang listahan ng mga tatanggap ng ayuda para maabisuhan ang mga residente.
Nagpadala rin ng text sa mga naka-schedule ang ilang barangay.
May mga residente sa ibang barangay naman na nabigong makakuha ng ayuda dahil inakalang unang 500 tao na dumating ang bibigyan ng ayuda imbes na ang naka-schedule.
Sa Almanza Uno, sinikap na masunod ang physical distancing sa labas ng paaralan.
Mano-manong inalam muna kung kasama ang tao sa listahan ng batch saka papasukin.
Ayon kay Kagawad Alfredo Medina, ginawang isang lokasyon kada barangay ang pamamahagi ng ayuda imbes na bahay-bahay para sentralisado ito lalo’t mga tauhan mula sa CSWD ang nangunguna ng mismong pamimigay ng pera.
Ipagkakasiya ng dating kasambahay na si Josephine Aguilar, 36, ang nakuhang P4,000 para sa anim na anak.
Natigil ang pamamasukan niya noong nagsimula ang pandemya kaya umaasa siya sa mga ayuda ng pamahalaan.
Hinihintay pa rin niyang makuha ang ikalawang tranche mula sa Social Amelioration Program (SAP) na inilabas noong 2020 pa.
“Fino-follow-up po namin, ang sabi ng munisipyo, nasa barangay na po. Ang sabi naman po ng barangay sa amin po, nasa DSWD pa rin daw po kaya antay-antay lang po kami,” sabi niya.
“Isang taon na mahigit. Matagal na po, ‘yon lang ang inaasahan namin.”
Sabi ng barangay, nakatakda nang ipamahagi ang SAP 2 para sa mga residente nila sa kalagitnaan ng Abril.
Aabisuhin pa kung sa anong paraan ito ipamimigay.
Walong oras kada araw ang inilaan ng mga barangay para sa pamamahagi ng ECQ ayuda o hanggang matapos mabigyan ang lahat ng nakalista.
Ayon kay Paul San Miguel ng Las Piñas City Public Information Office, kung makita nilang maagang natatapos ang pamimigay sa naka-schedule na 500 tao, posibleng magsabay na ng ibang batch basta’t nasusunod ang health and safety protocols sa lugar.
Nagpabuo na rin ang lokal na pamahalaan ng mga grievance and appeals committee sa city at barangay level na malalapitan ng mga benepisyaryo.
No comments:
Post a Comment