Wednesday, April 14, 2021

Pulis, 3 iba pa timbog sa 'basag-kotse' modus sa Bulacan

Apat na miyembro umano ng isang sindikato, kabilang ang isang pulis, ang nahuli ng mga awtoridad sa Bulacan nitong Lunes matapos masangkot sa basag-kotse modus sa bayan ng San Ildefonso.


Ayon sa mga awtoridad, nakaparada ang sasakyan ng biktima na si "Mel" sa harapan ng isang motorcycle outlet sa bayan. Nang balikan niya ito, nakita niya ang 2 lalaki na lulan sa motorsiklo at bumaba ang angkas nito at pumunta sa passenger seat sa likuran.


Nakarinig siya ng pagkabasag ng salamin,at doon nakita niyang tinangay ng suspek sa loob ng sasakyan ang isang backpack na may lamang mga documento at black beltbag.


Sa ikinasang hot-pursuit operation, nahuli ang dalawang suspek na kinilalang sina Allen Alvarado, 30, at John Fizer Salvador, 22, na mula Tondo, Manila.


Narekober sa mga suspek ang isang .38 caliber revolver, granada, tatlong sachet ng hinihinalang shabu at ang black belt bag na pag-aari ni "Mel".


Kasunod nito, nagsadya umano sa San Ildefonso Municipal Police Station ang dalawa pang lalaki na nagpakilalang mga pulis ng Manila Police District. 


Hinahanap umano nila ang mga suspek pero nang tanungin sila ng detalye, hindi sila nakasagot at mabilis na sumakay ng SUV papunta sa direksyon ng San Miguel, Bulacan.


Nasabat din ang dalawa sa quarantine checkpoint sa Brgy. Garlang, sa bayan. 


Kinilala ang dalawa na sina Juvito Salvador at ang pulis na si Police Cpl. Mark Edison Quinton na naka-assign sa Manila Police District. 


Miyembro umano ang mga suspek ng "Liber Paulino Group" na sangkot sa serye ng basag-kotse sa Metro Manila, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, at Tarlac. 


Kinasuhan na ng robbery, possession of explosives, paglabag ng Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Comprehensive Dangerous Drugs Act sina Alvarado at Salvador. 


Usurpation of authority ang ikakaso laban din kay Salvador habang paglabag lang ng Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act ang isasampa laban kay Quinton.--Ulat ni Gracie Rutao


https://news.abs-cbn.com/news/04/14/21/pulis-3-iba-pa-timbog-sa-basag-kotse-modus-sa-bulacan

No comments:

Post a Comment