Nawalan ng tirahan ang mahigit 80 pamilya nang magkasunog sa isang residential area sa Pasay City Lunes ng gabi.
Tumagal ng 3 oras ang sunog na unang sumiklab sa F. Victor Street sa Tramo bago mag-alas-6:45 ng gabi. Itinaas ang responde hanggang ika-3 alarma.
Sunog sa mga bahay sa F. Victor St., Bgy. 61, Pasay City nasa ika-3 alarma na. Ayon sa BFP-NCR sumiklab ito bago mag-alas-6:45 ng gabi.
Nagtulong-tulong na rin ang mga residente sa pag-apula sa sunog at pinagdugtong-dugtong ang mga hose ng bombero para maabot ang mga natutupok na bahay.
Pasado alas-8:30 na nakontrol ng mga bombero ang apoy, pero umabot ng isa pang oras bago ito tuluyang naapula.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, aabot sa 30 bahay ang natupok.
Kasama sa mga nasunugan ang punong barangay ng Barangay 61 na si Robin Roque, na nagsabing sa kapitbahay niya nagmula ang apoy.
"Nakita namin mayroong umaapoy sa kapitbahay, kaya nagtakbuhan kami sabi may sunog," aniya.
Isa ang pumutok na electrical wiring sa iniimbestigahan ng BFP na posibleng sanhi ng apoy.
Tinatayang P800,000 ang halaga ng natupok na ari-arian. Wala namang naisalbang gamit ang maraming nasunugan.
Namigay si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ng banig, kumot, face mask, at face shield sa pagbisita sa mga nasunugan. Ayon sa alkalde, inihahanda rin ang pamimigay ng relief goods at cash assistance kinabukasan.
Inilikas ang karamihan sa mga apektadong residente sa covered court ng kalapit na Epifanio Delos Santos Elementary School at sa Pasay North School.
Pinili naman ng ilang nasunugang manirahan muna sa mga kamag-anak.
https://news.abs-cbn.com/news/04/06/21/higit-80-pamilya-nawalan-ng-tirahan-sa-sunog-sa-pasay
No comments:
Post a Comment