Sunday, April 25, 2021

Barko iniimbestigahan sa pagpapakawala ng wastewater sa Manila Bay

April Rafales, ABS-CBN News


(UPDATE) — Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang isang barko matapos itong magpakawala ng wastewater o maduming tubig sa Manila Bay.


Nakuhanan ng mga vlogger noong Sabado ang pagpapakawala ng barko, na itinuturing rason kung bakit naging kulay kalawang ang malaking bahagi ng Manila Bay sa may Baywalk.


"'Yong kulay niya ay 'di nagbabago, yellowish pa rin at kumakalat sa Manila Bay so posibleng mayroon itong epekto sa marine life at mismong sa ating paglilinis ng Manila Bay," ani Manila Bay Coordinating Office Deputy Executive Director Jacob Meimban.


Nitong umaga ng Linggo, kumuha ng water sample ang mga tauhan ng Manila Bay Coordinating Office kasama ang Philippine Coast Guard at Metropolitan manila Development Authority para malaman kung may halong langis ang pinakawalang wastewater.


Ayon sa oiler ng barko na si Escolastico Bunyi, ilang buwan nang nakatengga ang barko sa lugar dahil nasiraan at kailangang maiayos.


Pero itinanggi niyang may kasamang langis at pinakawalang wastewater.


"Galing din po 'yan sa ilalim, sa dagat din. Kapag pinaaandar 'yong makina dahil cooling po yan, seawater na may posibilidad na puwedeng sumipsip siya at papalabas ulit," ani Bunyi.


Ayon naman sa Department of Environment and Natural Resources, may langis man o wala, puwede pa ring managot ang may-ari ng barko sa paglabag sa Clean Water Act, na nagbabawal sa paglabas ng kahit ano'ng puwedeng sanhi ng pagkdumi ng tubig o makapipigil sa natural na daloy ng tubig.


"Dapat mayroon silang authority para permit to discharge. And at the same time, dapat mayroon din silang treatment facility within the vessel," ani Environment Undersecretary Jonas Leones.


"Kung hindi man, dapat kino-contain muna nila 'yong wastewater nila. And kung naka-dock na sila, they should have it treated before they discharge it," dagdag niya.


Naka-hold muna ang barko at oiler habang iniimbestigahan ng Coast Guard at DENR.


https://news.abs-cbn.com/news/04/25/21/barko-iniimbestigahan-sa-pagpapakawala-ng-wastewater-sa-manila-bay

No comments:

Post a Comment