Hindi pa nakikita ng Malacañang na dapat nang magpataw ng mas mahigpit na lockdown sa mga komunidad dahil sa matinding epekto nito sa ekonomiya.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, dapat na maging bahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay ang pag-iingat laban sa banta ng COVID-19.
"We need to live with this virus. Sa akin po talaga, hindi po ako nasa laylayan ng lipunan pero I would imagine na 'yong mga 'no work, no pay' ay talagang nagdarasal po na sana makapagpatuloy silang magtrabaho dahil sa ngayon po wala rin tayong ayuda na nasa budget," ani Roque.
Binitiwan ni Roque ang mga pahayag sa harap ng patuloy na pagdami ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, kasama ang Metro Manila.
Bilang tugon na rin sa tumataas na bilang ng mga kaso, nagpatupad ang mga alkalde ng Metro Manila ng unified curfew mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw, na sisimulang ipatupad ngayong gabi ng Lunes.
Ayon sa Philippine National Police, 9,000 pulis ang ipakakalat nila sa Metro Manila para ipatupad ang curfew.
Nasa 379 checkpoint din ang ipakakalat sa Kamaynilaan.
Tanging essential services lang umano ang exempted at kailangang magpakita ng employment ID.
COVID-19 facilities punuan na
Sa Quezon City, punuan na ang mga COVID-19 facilites na Hope 1 hanggang Hope 4, kasama ang Novaliches District Hospital, Quezon City General Hospital, at Rosario Maclang Bautista General Hospital.
Sa Rosario Maclang Bautista General Hospital, nagtayo na rin ng dagdag na tent sa labas ng ospital na magsisilbing COVID-19 wards.
Lumalabas din sa datos ng local government unit (LGU) na sa workplace o trabaho madalas nakukuha ang COVID-19, na nauuwi naman ng empleyado sa kani-kanilang mga bahay.
Dahil dito, ipinag-utos ni Mayor Joy Belmonte na silipin kung sumusunod sa health protocols ang mga opisina at iba pang workplace.
Nasa 25 lugar na sa lungsod ang naka-lockdown dahil sa dami ng active cases.
Halos puno na rin ang isolation facilities sa Pasay matapos pumalo sa 783 ang active cases.
Nagsagawa na ng malawakang COVID-19 testing ang lungsod, kasama ang 2,000 kawani ng Pasay Public Market.
Sa San Juan, sinabi naman ni Mayor Francis Zamora na 80 porsiyento na ang occupancy rate ng kanilang isolation facility.
Localized lockdown
Inanunsiyo naman ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso na isasailalim sa 4 na araw na lockdown simula Miyerkoles ang 6 na barangay sa lungsod sa harap ng patuloy na pagdami ng COVID-19 cases.
Naka-lockdown hanggang Sabado ang mga barangay 185, 374, 521, 628, 675 at 847 sa Maynila.
Sa Makati, bantay-sarado pa rin dahil nananatili sa localized enhanced community quarantine ang 8 lansangan sa Barangay Pio del Pilar.
Nakatakdang matapos ang localized lockdown sa Martes.
Pag-aaralan pa ng Makati kung kailangan ding i-lockdown ang iba pang lugar sa siyudad.
Noong Marso 13, umabot na sa 808 ang active COVID-19 cases sa Makati, pinakamarami ay galing sa Barangay Pio del Pilar na 128.
Pinag-aaralan naman ng LGU sa Malabon ang pagpapatupad ng granular lockdown kung hindi makokontrol ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
May 7,739 na kumpirmadong kaso sa Malabon, kung saan 652 ang active cases.
Sa Navotas, sa halip na multa, isasailalim sa mandatory RT-PCR test ang mga lalabag sa curfew at iba pang health protocols.
May 700 active cases sa Navotas.
Nagsagawa naman ng malawakang disinfection sa Pateros matapos halos dumoble ang COVID-19 cases mula noong Marso 8.
May 83 active cases ang bayan, base sa tala noong Marso 13, mula sa 44 na kaso noong Marso 8.
Naka-quarantine naman nang 2 linggo si Pasig City Mayor Vico Sotto matapos pumanaw ang kaniyang driver dahil sa COVID-19.
Ikinalungkot ni Sotto ang pagpanaw ng driver dahil matagal na daw niya itong kasama.
Sa Caloocan, na may 648 active COVID-19 cases, ipinag-utos ni Mayor Oscar Malapitan na ipatupad ang 50 porsiyentong skeletal workforce para sa mga pumapasok sa mga tanggapan ng pamahalaang lungsod.
— Ulat nina Raffy Santos, Zyann Ambrosio at Ina Reformina, ABS-CBN News
https://news.abs-cbn.com/news/03/15/21/malacaang-di-nakikitang-dapat-nang-maghigpit-ng-lockdown-sa-mga-komunidad
No comments:
Post a Comment