Monday, March 15, 2021

2 barangay sa Mamburao, Occ. Mindoro naghigpit sa lockdown

Dennis Datu, ABS-CBN News


Nasa 2 barangay sa bayan ng Mamburao, Occidental Mindoro ang isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) o mas mahigpit na quarantine restrictions simula ngayong Lunes dahil sa pagtaas ng bilang ng mga tinaamaan ng COVID-19.


Nasa 78 bahay sa Barangay Payompon at Barangay 7 ang inilagay sa ECQ, na tatagal nang 15 araw, sabi ni Mayor Angeline Tria.


Dahil dito, ibinalik ang mga checkpoint at tanging may mga quarantine pass lang ang papayagang lumabas ng kanilang mga bahay.


Mahigpit ding ipatutupad ang curfew mula alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.


"Kung maaari po ay limitahan niyo po ang pagpunta ng mga tao niyo sa Mamburao proper dahil nandito ang epicenter. Dito po sa bayan ng Mamburao, puwde po kayo makakuha ng transmission ng sinasabing COVID," ani Tria.


Ayon kay Tria, mula noong Marso 3 hanggang 15, umabot sa 21 ang bagong kaso sa 2 lugar, samantalang 7 lamang ang naitala doon mula noong magsimula ang pandemya noong 2020 hanggang noong nakaraang buwan.


Higit 100 residente pa ng Mamburao ang naghihintay ng resulta ng kanilang RT-PCR test para malaman kung mayroon silang COVID-19.


Samantala, nananatili namang naka-lockdown ang Occidental Mindoro Provincial Hospital matapos magpositibo sa COVID-19 ang 11 empleyado, kabilang ang mga doktor, nurse at guwardiya.


Ayon kay Dr. Ma. Teresa Tan, provincial health officer sa Occidental Mindoro, isa sa posibleng dahilan ng pagdami ng COVID-19 cases ay ang pagluluwag ng restrictions papasok ng kanilang probinsiya.


Nasa 26 dagdag na kaso ng COVID-19 ang naitala sa probinsiya nitong Marso para sa kabuuang 294 buhat nang magsimula ang pandemya.


Pinag-aaralan na rin ng lokal na pamahalaan ang pagpapatupad muli ng mahigpit na travel restrictions papasok ng Occidental Mindoro.


https://news.abs-cbn.com/news/03/15/21/2-barangay-sa-mamburao-occ-mindoro-naghigpit-sa-lockdown

No comments:

Post a Comment