Thursday, February 24, 2022

Requirements para ibaba sa Alert Level 1, naabot na ng Metro Manila: Duque

(UPDATE) Naabot na ng Metro Manila ang lahat ng requirements para maibaba ito sa pinakamababang alert level status, sabi ngayong Huwebes ni Health Secretary Francisco Duque III, bagaman may mga agam-agam pa rin kaugnay nito.


Ayon kay Duque, nakamit na ng National Capital Region ang lahat ng panuntunan na inilatag ng Department of Health para mailagay sa Alert Level 1 ang isang lugar.


Kasama umano rito ang pagkakaroon ng "low" o "moderate" average daily attack rate, mababang health care utilization rate, at ang paniniguro na fully vaccinated na ang hindi bababa sa 80 porsiyento ng mga senior citizen sa buong rehiyon.


Ayon kay Duque, sa 1.22 milyon senior citizens sa Metro Manila, 1 milyon na o 83.9 porsiyento ang fully vaccinated.


Nakatakdang talakayin hapon ng Huwebes ng mga opisyal ng pamahalaan kung dapat nang ilagay sa Alert Level 1 ang NCR pati ang iba pang lugar sa bansa. 


Nauna nang inirekomenda ng mga alkalde sa Metro Manila na ilagay ang rehiyon sa Alert Level 1 pagsapit ng Marso.


Sa ilalim ng Alert Level 1, na tinatawag ding "new normal," papayagan nang mag-operate sa kanilang 100 porsiyentong kapasidad ang mga establisimyento, bagaman may pagsunod pa rin sa health protocols.


Pero para kay Dr. Ted Herbosa, adviser ng National Task Force Against COVID-19, mas mainam na manatili pa rin sa Alert Level 2.


Sa panayam ng Teleradyo, sinabi ni Herbosa na hindi numero ang intervening o sagabal sa pagbaba sa Alert Level 1 kundi ang campaign season.


Kapag inilagay aniya sa Alert Level 1 ang Metro Manila, tiyak na lahat ng kandidato ay magsasagawa ng mass gathering at political rallies.


"Kung maalala niyo last year, ganyan ang nangyari sa India. Naalala niyo 'yong India, inalis niya restrictions. Pagkatapos in-allow nila 'yong campaign, tapos kumalat 'yong delta [variant]," ani Herbosa.


Nagbukas noong Pebrero 8 ang campaign period para sa mga national position candidates sa May 9 elections. Sa Marso 25 naman ang opisyal na simula ng pangangampanya ng mga local candidates. 


Bagaman pabor din ang OCTA Research na ipatupad ang Alert Level 1 sa NCR, inamin ni OCTA fellow Dr. Guido David na may panganib pa ring muling tumaas ang mga kaso ng COVID-19.


Dapat balansehin ng gobyerno ang public health at ekonomiya, ani David.


Aniya, dapat handa ang gobyernong itaas ulit ang alert level kapag dumami na ulit ang kaso.


Patuloy pa ring bumababa ang kaso sa Metro Manila at inaasahang bababa pa ito sa 200 cases kada araw pagdating sa Marso, sabi ni David.


Pabor naman si vaccine expert panel head Dr. Nina Gloriani na isailalim sa Alert Level 1 ang Metro Manila basta tuloy aniya ang pagsunod sa health protocols.


"Kasi we have to really normalize. Hindi naman puwedeng parang parati na lang tayong takot na takot," ani Gloriani.


"Alam na natin ngayon, ano ang tamang pagsusuot ng mga [personal protective equipment], kailangan lang tama lahat ito -- masking, physical distancing," dagdag niya. 

Kahit wala pang pinal na pasya tungkol sa susunod na alert level status ng Kamaynilaan, naghahanda na rin ang maraming negosyo sakaling ibalik na sa 100 porsiyento ang kapasidad at operasyon.


"We will still follow the safety protocols na mayroon tayo. Of course what we don't want is 'pag nagluwag tayo then biglang magkaroon na naman ng pag-surge," sabi ni Christian Enmoso, director for membership ng isang sikat na fitness center chain.


— May ulat nina Katrina Domingo at Doris Bigornia, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/news/02/24/22/alert-level-1-requirements-nakamit-na-ng-ncr-duque

No comments:

Post a Comment