Saturday, April 24, 2021

ALAMIN: Bagong patakaran ng DILG, QC LGU sa mga community pantry

Nagbaba na ng panuntunan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) tungkol sa pag-oorganisa ng mga community pantry, kasunod ng pagpanaw ng isang senior citizen na pumila sa community pantry na inorganisa ng aktres na si Angel Locsin. 


Ayon sa DILG, dapat makipag-ugnayan na muna sa mga barangay at pagsilbihan lang ang mismong komunidad para maiwasan ang dagsa ng mga tao mula sa ibang lugar. 


"Kailangan kasama ang barangay, kasama ang LGU para tulungan lahat. Hindi lang ang organizer ang kailangang tumulong, kailangan lahat. At the end of the day kailangan 'yung mga organizer must be responsible," ani DILG Undersecretary Jonathan Malaya. 


"Nasa kanila 'yung responsibility to coordinate to the barangay and the PNP (Philippine National Police) at 'yung PNP naman at 'yung barangay must respond immediately to any request for help or assistance ng ating mga organizers."


Nagbaba na rin ng sariling panuntunan ang Quezon City government sa mga community pantry. 


Una, dapat ipatupad ang minimum public health standards. Dapat ding panatilihing malinis ang lugar. Bawal ding kumain sa lugar, at dapat siguruhing malinis at sariwa ang pagkain. 


Nagtakda rin ng oras ang Quezon City para sa mga pantry - mula alas-5 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi lang dapat ang operasyon ng mga ito, pero puwede pa itong mabago depende sa ipinapatupad na public safety hours. Ayon sa LGU, binalangkas ito kasama ang organizer ng Maginhawa community pantry na si Patricia Non. 


"Naiintindihan ko naman na kailangan i-coordinate hangga’t maaari sa barangay para maiwasan natin ‘yung insidente na hindi maganda, para merong ambulansya, may naka-standby na first aid, tapos para rin may makatulong for location," ani Non. 


Sa Maginhawa Street sa Quezon City unang umusbong ang community pantry, na ngayon ay isa nang movement na kumalat na sa iba't ibang lugar, maging sa labas ng bansa.


Ayon sa DOH, mahalagang ipatupad ng mga LGU ang minimum public health standards sa mga community pantry. 


“Sana wala pong mga matatandang lumalabas muna para mapangalagaan. Napakalaki po ng role ng local governments natin ngayon sa mga community pantries para mai-organize po nila at hindi po ito maging source ng pagkakahawa-hawa,” ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire. 


Binalangkas ang panuntunan matapos mauwi sa siksikan ang community pantry na inorganisa ng aktres na si Angel Locsin para sa kaniyang kaarawan - kung saan isang senior citizen ang pumanaw matapos himatayin. 


Humingi na ng tawad ang aktres at sinabing aakuhin niya ang responsibilidad. 


"Pasensya na po talaga alam kong wala pong papel or silbi ang paghingi ko ng tawad o pasensya dahil sa mga nangyari, pero wala na po talaga akong masabing iba kung hindi sorry lang po talaga,” ani Locsin. 


Pero ang kapitan ng barangay Holy Spirit na si Felicito Valmocina, kung saan itinayo ni Locsin ang kaniyang community pantry, galit pa rin dahil bagama’t may koordinasyon naman ang kampo ng aktres, hindi na aniya niya dapat inanunsiyo na kahit sino ang maaaring pumunta gayong limitado lang ang kaya niyang i-accomodate. 


Una nang nabanggit ni Locsin na aakuhin niya ang responsibilidad sa nangyari.  


"Kung sa tingin po nila ay malaki po ang pagkakamali ko dito, aakuin ko naman po 'yun. Hindi naman po ako magtuturo ng ibang tao kasi wala naman akong nakikitang dapat sisihin,” ani Locsin. 


Pinag-aaralan pa umano ng chairman kung mapapatunayang may kapabayaan at pagkukulang bago maghain ng kaso. 


— Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/news/04/24/21/alamin-bagong-patakaran-ng-dilg-qc-lgu-sa-mga-community-pantry

No comments:

Post a Comment