Tinatayang nasa P1.3 milyon ang halaga ng pinsala sa sunog na sumiklab sa residential area sa Barangay Cupang, Muntinlupa City Martes ng gabi.
Sabi ng barangay, nawalan ng bahay ang nasa 119 pamilya na nakatira sa Aquino Damaso Compound/RRSNA Purok 2 na malapit sa riles ng Philippine National Railways.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, itinawag sa kanila ang sunog pasado alas-11:30 ng gabi at itinaas ang ika-2 alarma ng hatinggabi.
Iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog pero ayon kay Fire Sr. Insp. Garynel Julian, deputy fire director ng lungsod, isa sa mga tinitingnang pinagmulan ay ang sumiklab na kawad ng kuryente na nagpaliyab sa bubong ng isang bahay.
“Pahirapan ang pagpasok ng ating mga firefighters. Gutted ang ating buildings, kailangan nating magbutas sa pader para makapasok sa fire scene,” ani Julian.
Sabi ng punong barangay na si Rainier Bulos, kinailangan pang tumalon ng ibang residente sa bakod o sa ilog para makaligtas sa pagkalat ng apoy kaya may ilang nagka-minor injuries.
Nadamay ang tinatayang 50 bahay pati ang katabing bodega ng refrigerants at air-conditioning coolants.
Dineklarang kontrolado na ang sunog pasado ala-1 ng madaling-araw.
Ayon sa BFP, alas-4:02 ng madaling-araw tuluyang naaapula ang apoy.
Binuksan ng barangay ang Cupang Plaza covered court at JRF multi-purpose hall bilang pansamantalang tutuluyan ng mga nasunugan.
Sabi ng mga bombero, posible pang tumaas ang kabuuang halaga ng natupok lalo na dahil sa mga nasunog na mga kemikal sa bodega.
https://news.abs-cbn.com/news/04/28/21/higit-100-pamilya-sa-muntinlupa-nasunugan
No comments:
Post a Comment