Jekki Pascual, ABS-CBN News
Para maiwasan ang pagsikisikan sa pagkuha ng ayuda, inanunsyo ni Pateros Mayor Ike Ponce na ipapamahagi ang ayuda sa pamamagitan ng Starpay. Ito'y isang online payment gateway at pwedeng makuha ang pera sa mga remittance center gaya ng USSC.
Ayon sa alkalde, nakita niya sa ibang lungsod na umaabot ang pila hanggang madaling araw at punuan madalas sa covered court, kaya napagdesisyunan ng lokal na pamahalaan ng Pateros na gagamit muli sila ng digital platform. Ang Starpay ay ginamit na rin noong isang taon sa pamimigay ng Social Amelioration Program.
Pero mababawasan ang ayuda ng mga tao dahil may service fee ang Starpay. Kung P4,000 ang makukuha mong ayuda para sa pamilya, P50 ang service fee. Kung P3,000 ay P40 ang fee, kung P2,000 ay P30 ang fee at kung P1,000 ang ayuda ay P20 naman ang service fee.
"Mas makabubuti naman ito kaysa naman tayo'y pumila ng matagal dahil manual ang ating ginagawa po. At wala rin po tayo sa kasalukuyan manpower sa ngayon para gumawa niyan, dahil sabi ko nga sa inyo, hanggang ngayon naka-lockdown pa rin ang ating Treasury Office at marami po sa ating mga manggagawa ang naka-closed contact rin sa mga nag positive, kaya talagang kokonti ang personnel," ayon sa alkalde.
Kailangan lang aniya ipakita ang ID para makuha ang ayuda. Magsisimula ang pamimigay ng ECQ ayuda sa Pateros sa Lunes. Pero hindi rin sabay-sabay para hindi pa rin mag siksikan. Iba ibang araw ang pag claim bawat barangay.
Humihingi naman ng pasensiya si Mayor Ponce dahil hindi lahat ng nakakuha ng SAP noong isang taon ay kasama sa mabibigyan ng ECQ ayuda ngayon. Maliit lang aniya ang budget na nabigay sa kanila kaya priority nila ang mga pinakamahirap sa munisipalidad. Posible aniya na nakatanggap sila ng SAP noong isang taon, pero baka hindi mabigyan ng ayuda ngayon. Tuloy pa rin ang pagvavalidate ng mga tauhan nila sa listahan.
https://news.abs-cbn.com/news/04/11/21/ayuda-sa-pateros-ibibigay-via-online-app
No comments:
Post a Comment