Thursday, March 18, 2021

Curfew violators sa Baclaran, pinaawit ng ‘Lupang Hinirang’

Pababa ang bilang ng mga nahuhuli sa labas ng bahay sa Parañaque City sa ikatlong gabi ng unified curfew sa Metro Manila.


Mula Miyerkules ng gabi hanggang Huwebes ng madaling-araw, dinampot ang 106 na katao at 19 menor de edad.



 Ayon sa Parañaque City Police, mas mababa ito sa 231 offenders na nahuli noong Lunes ng gabi at sa 188 kinabukasan.


Pero sa Baclaran na siyang may pinakamaraming active cases ng COVID-19 sa lungsod, dumagdag ang mga naitala nilang curfew violator.


Mula 24 noong unang gabi, naging 34 ito noong isang gabi at 39 kagabi.


Ang ikinalulungkot lang ng taga-barangay, mga residente pa ang karamihan sa mga huli imbes na mga tagalabas.


Kaya para matuto ang ilan, pinakanta sila ng pambansang awit na "Lupang Hinirang” at saka pinag-squat ng kalahating minuto para mapauwi.


Bago ito, namalagi muna sila sa barangay ng ilang oras.



Second offender naman ang 18-anyos na si “Vin" na unang nahuli noong ikalawang gabi ng curfew.


Giit niya, natiyempuhan lang siya ng mga pulis sa parehong pagkakataon.


"Pauwi na ako noon, hinihintay ko lang kasama ko. Naginuman kami sa kabilang bahay," aniya.


Minumultahan ng P1,000 para sa unang violation ang mga lumalabag sa curfew sa Parañaque. 


Nadadagdagan ito ng tig-sanlibo para sa second at third violation bago humantong sa kaso.


Pero kung walang pambayad, pwede silang patawan ng detention sa barangay nang 6 na oras o higit pa kung pangalawa at pangatlong huli na.



Sabi ni Glenn Ponan ng barangay health emergency response team (BHERT), mas pinauuwi kaagad ang mga napag-alamang may sapat na dahilan kaya nasa labas, tulad ng ilang kailangan ng signal para sa online class.


May dagdag na kaso at parusa para sa mga may dagdag pang violation gaya ng nahuhuling walang suot na face mask at face shield, o kaya nag-iinuman sa labas.


https://news.abs-cbn.com/news/03/18/21/curfew-violators-sa-baclaran-pinaawit-ng-lupang-hinirang

No comments:

Post a Comment