Sunday, February 28, 2021

COVID-19 vaccination sa ilang ospital sa Metro Manila sisimulan sa Lunes

Kasado na ang pagsisimula ng pagbabakuna sa mga health care worker sa mga COVID-19 referral hospital sa Metro Manila.


Sa Lunes isasagawa ang ceremonial vaccination sa Philippine General Hospital (PGH), Lung Center of the Philippines, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital, Veterans Memorial Medical Center, Philippine National Police General Hospital, at V. Luna General Hospital. Dadaluhan ang mga ito ng mga opisyal ng gobyerno.


Ito ay matapos dumating ngayong Linggo sa Pilipinas ang kauna-unahang batch ng mga bakuna kontra COVID-19, na gawa ng Chinese company na Sinovac at donasyon ng China. 


Ilang linggo na ring nagsasagawa ng mga simulation ng pagbabakuna ang mga ospital.


Pero sa PGH, bumaba ang bilang ng mga empleyadong gustong maturukan ng Sinovac vaccine.


Mula 13 porsiyento, naging 8 porsiyento ng lang ng mga tauhan ng PGH ang magpapabkuna ng Sinovac vaccine, base sa ginawang town hall meeting noong Sabado.


Hindi naman ibibigay ng PGH ang Sinovac vaccine sa mga empleyadong senior citizen at naka-recover sa COVID-19 dahil hindi umano sapat ang datos kung ano ang posibleng epekto ng bakuna sa kanila.


“We asked for 1,000 doses muna... ‘yan ang hininging allocation ni Director [Gerardo Legaspi], based sa aming survey, ‘yan ang aming magpapabkuna,” ani PGH Spokesperson Dr. Jonas del Rosario.


Ayon pa sa pamunuan ng PGH, matapos ang pagbabakuna gamit ang Sinovac vaccine, isusunod nila ang pagbabakuna sa mga empleyadong pipiliin naman ang AstraZeneca vaccine, na nakatakdang dumating sa Pilipinas sa Lunes.


“Tapusin muna ang Sinovac, para at least, ang vaccinators, focused on one specific brand, kaysa iba-iba pa,” ani Del Rosario.


Mas malaki aniya ang bilang ng PGH employees na magpapabakuna gamit ang AstraZeneca.


Nagpahayag na rin ang pamunuan ng Lung Center ng kahandaan sa pagbabakuna.


Tiniyak naman ng Department of Health na sasagutin ng gobyerno ang pagpapagamot ng mga makakaranas ng adverse reaciton sa bakuna.


Wala ring pananagutan ang health care worker na magtuturok ng bakuna.


“Sakaling magkaroon ng adverse effects following immunization ay isho-shoulder ng government through PhilHealth ang kanilang pagpapa-ospital,” ani Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire.


Nagpaalala ang mga eksperto sa publiko na bagaman dagdag-proteksiyon sa sakit ang bakuna, dapat pa ring sundin ang health standards tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, at pagsunod sa social distancing.


Ngayong Linggo, umabot na sa 576,352 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas, kung saan halos 30,000 ang active cases o hindi pa gumagaling sa sakit.


– Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/news/02/28/21/covid-19-vaccination-sa-ilang-opsital-sa-metro-manila-sisimulan-sa-lunes

No comments:

Post a Comment