Friday, February 19, 2021

Bata inagawan ng cellphone at pinatay sa Pampanga; kambal na suspek, arestado

Arestado ang isang kambal sa pagpatay umano ng isang 4-anyos na bata sa San Fernando, Pampanga. 


Ayon sa mga awtoridad, naiwan ang batang lalaki Martes matapos mag-igib ng tubig ang kaniyang ina, na nag-iwan sa kaniya ng cellphone. Nang balikan ang bata sa lugar nila sa Northville 14, nawawala na ito.


Natagpuan ng pamilya ang bata Miyerkoles ng gabi pero wala na itong buhay. Isinilid ang biktima sa ecobag at itinapon sa talahiban bago natagpuan ito sa tulong ng isang tricycle driver.


“Meron kasing isang tricycle driver na nakakita, siya 'yung nagturo doon sa magulang, na nung Feb. 16 pa nawawala itong bata, nireport nga na nawawala. So nung nalaman nito ng tricycle driver, siya 'yung nagsabi sa mga magulang na may nakita siya, na daladala nitong kambal na ito na plastic bag tas dinala dun sa damuhan tas dun daw itinapon,” ani Police Lt. Col. Soledad Elefanio, ng Police Regional Office 3 public information office.


Itinuro ng tricycle driver ang kambal na si John Mark at John Kevin Salonga, 18, na sumakay sa kanya na kapitbahay pala ng biktima.


“Merong hot pursuit operation dahil dun sa witness na nakakita sa kanila na nagturo sa kanila,” ani Elefanio.


Inamin umano ng kambal na nangangailangan sila ng pera kaya napagdiskitahan nila ang hawak na cellphone ng bata.


“Parang inano nila ng towel yung bata, pero wala pa akong nakukuhang official result ng death certificate ng bata,” ani Elefanio.


Gagamitin umano ng suspek para sa "audition" ang pera na makukuha mula sa cellphone.


Nakakulong na sa San Fernando City Police Station ang mga suspek.


Nasampahan na rin sila ng kasong murder in relation to Republic Act 7610.


https://news.abs-cbn.com/news/02/19/21/bata-inagawan-ng-cellphone-at-pinatay-sa-pampanga-kambal-na-suspek-arestado

No comments:

Post a Comment