Saturday, December 5, 2020

Pamamaril sa Los Baños mayor posibleng 2 ang suspek: pulisya

Dalawa ang posibleng suspek sa pamamaslang sa alkalde ng Los Baños na si Caesar Perez, ayon sa pulisya.


Pinag-aaralan ng Philippine National Police ang mga kuha sa CCTV sa lugar at mga kalapit na establisimyento, kung saan dalawang lalaking naka-face mask ang nakita umano sa lugar nang pagbabarilin ang alkalde.


Pero tumanggi muna silang ibahagi nito sa media habang gumugulong pa ang imbestigasyon.


"At that time, maaring alam din ng mga suspek kung saan sila mag-escape. ‘Yung nagamit na baril, hindi pa rin po ma identify ng SOCO kasi nawasak po yung slab," ani Philippine National Police Spokesperson Brandi Usana.


Los Baños, Laguna mayor dies after being shot in town hall


Namatay sa pamamaril si Perez Huwebes ng gabi sa compound ng munisipyo.


Samantala, dinagsa naman ng mga mahal sa buhay ang burol ni Perez sa kanilang bahay sa Barangay Batong Malake.


Naluluha si Leila Herbaño, kababata ni Perez nang dumalaw sa burol ng pinaslang na alkalde.


Hindi niya matanggap ang sinapit ng alkalde.


"He is not perfect. He might not be the best, pero he doesn’t deserve such kind of death,” ani Herbaño.


Dagsa ang mga nakikiramay sa bahay ng pamilya sa Barangay Batong Malake kung saan nakaburol ang bangkay ni Perez.


“Si governor, from time to time, kinakausap ang ating provincial director ng PNP para malaman niya ang mga developments sa imbestigasyon sa kaso because gusto namin na ma-serve po ‘yung hustisya,” ani Los Baños 2nd District Rep. Ruth Hernandez.


Pagkatapos ang pagkamatay ni Perez, mahigit 20 na ang alkalde at bise-alkalde na napapatay mula 2016, batay sa tala ng PNP.


Itinuring ni Akbayan Chair Emeritus at dating CHR Spokesperson Etta Rosales na extrajudicial killing (EJK) na dapat aniyang panagutan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpaslang kay Perez.


“Once again, Mr. Duterte, you have blood on your hands. Kahit pandemya di nakapagpigil sa EJKs ng administrasyong ito,” ani Rosales sa pahayag.


Nadawit noon sa isyu ng bentahan ng ilegal na droga si Perez kaya napasama sa narcolist ni Duterte.


Noon nang itinanggi ito ni Perez.


Tumanggi munang magpaunlak ng panayam ang pamilya ng alkalde.


Hiling nila, mabigyan siya ng magandang alaala malayo sa kontrobersiya.


Ililipat ang labi ni Perez sa munisipyo sa susunod na linggo.


Pag-aaralan din ng pamilya ang hiling ng mga tagasuporta na magkaroon ng funeral procession na hindi lalabag sa health protocols. — Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/news/12/05/20/pamamaril-sa-los-baos-mayor-posibleng-2-ang-suspek-pulisya

No comments:

Post a Comment