Sunday, November 15, 2020

Pagbangon mula sa Ulysses, palaisipan para sa ilang taga-Rodriguez, Rizal

Namatayan ng kapatid si Aprilyn Flor Cajefe nang manalasa ang bagyong Yolanda sa Tacloban City taong 2013. 


Ngayon naman, nalunod sa baha ang 14 anyos niyang kapatid dahil sa bagyong Ulysses. 


"Hindi ko magawang matulungan kasi anong magagawa ko nu’ng time na ‘yun?” ani Cajefe, na isa sa 15,000 nasa evacuation center sa bayan ng Rodriguez, Rizal na wala pang mauuwian. 


Putik na lang imbes na bahay ang nakatayo sa ilang lugar matapos ragasain ng baha ang mga bahay nang bumagyo. 


Ngayon, humihiling na lang ng relokasyon ang ilang residente. 


Abala ang lahat sa paghahakot ng puwede pang maisalbang gamit at nililinis din ang mga puwede pang pakinabangan. 


Pero may ilang tuliro pa rin sa pagsisimula pagkatapos ng unos. 


"Ito po sa mama ko, may breast cancer siya, mga document niya po pero sa tingin ko wala nang maisalba," ani Estrella Ravojo. 



"Sobrang hirap kasi magsisimula na naman sa simula," dagdag niya. 


“Sana matulungan niyo ako dito kay ako sugat, wala akong pambiling gamot.”


Pahirapan din para sa ilang residente ang pagkuha ng tubig at ang kawalan ng kuryente. 


"Mahirap na mahirap po ang ano dito, walang wala talaga, sira. Umaasa na lang po kami sa bigay-bigay na lugaw, tubig. Ni tubig nga po wala eh," ayon sa residenteng si Maria Raquel Manabat. 


Sinisikap naman ng utility companies na maibalik ang kanilang serbisyo sa lalong madaling panahon. -- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/news/11/14/20/pagbangon-mula-sa-ulysses-palaisipan-para-sa-ilang-taga-rodriguez-rizal

No comments:

Post a Comment