Thursday, November 5, 2020

BT: Pangangaroling, ipinanukala sa IATF na ipagbawal ngayong may pandemya


Iminungkahi sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na ipagbawal muna ang pangangaroling ngayong Pasko sa pangambang maaari itong magdulot ng pagkalat ng COVID-19.


Batay sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, si Cagayan Governor Manuel Mamba ang nagbigay ng panukala.


"Karamihan kasi ng carolers namin dito, they are not even from our place. 'Yung pagpupunta nila from one house to the other, natatakot kami doon because it might cause the upsurge of COVID cases," sabi ni Mamba.


Dagdag ng gobernador, kakaunti lamang ang COVID-19 cases sa kanilang lalawigan kumpara sa ibang lugar sa bansa, kaya gusto nila itong mapanatili.


Ayon pa kay Mamba, maaari namang magbigay ng kautusan ang mga LGU pero iba pa rin kung manggagaling mismo ang kautusan sa IATF.


"At least they know that there is a medical and scientific basis of what we are trying to ask dahil ang hirap nito eh, it's a... tradisyon ito eh na ginagawa every year," ani Mamba.


Suportado ni IATF chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez ang panukala ni Mamba.


Ayon kay Galvez, isasama niya ito sa mga pag-uusapan sa IATF. Gayunman, maaari nang mag-issue ng ganitong kautusan kung nanaisin ng gobernador na ipagbawal ang pangangaroling.


"It is the prerogative of the LGU because we have said, the Local Government Executives are the most knowledgeable people that can protect their constituents, what is best for them," sabi ni Galvez.


Nauna naman nang napagkasunduan ng Metro Manila mayors na ipagbawal ang mga Christmas Party ngayong taon dahil pa rin sa pandemya.—Jamil Santos/AOL, GMA News


https://www.gmanetwork.com/news/news/ulatfilipino/762898/pangangaroling-iminungkahing-ipagbawal-dahil-sa-covid-19-pandemic/story/

No comments:

Post a Comment